NAKUKUHA PA NI Direk Carlo J. Caparas ang magbiro ng harapin nito ang entertainment press sa Max’s Restaurant malapit sa Manila Cathedral matapos ang press conference niya, kasama ang isa pang nahirang na si Gng. Cecile Guidote Alvarez at si Dra. Vilma Labrador ng NCCA (National Commission for Culture and the Arts) at Department of Education. Mas nagalit pa raw kesa sa kanya ang maybahay na si Donna Villa sa mga tuligsang inabot niya para sa mga humaharang at nagre-reklamo nang maasama siya sa listahan ng mga paparangalan.
Ipinaliwanag na lang daw niya sa kanyang magandang may-bahay na hindi mawawala ang mga patuloy na tutuligsa sa kanya dahil lahat naman ng nasa industriyang ito eh, umaasam na dumating ang pagkakataon sa kanila para mabigyan ng nasabing titulo.
Wala naman daw silang alam nang iparating sa kanila ang balita na nakasama siya sa listahan ng mga inirekomenda ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. At hindi rin naman daw masasabing ganoon sila ka-close kay PGMA para isipin na naman daw ng iba na malakas lang sila rito.
Inalala pa nga ni Direk Carlo ang minsan’g naging usapan nila ng yumaong Hari ng Pelikula na si FPJ. Na kung meron daw itong isang pangarap that time, ito eh, ang makamtam din niya ang maging isang National Artist, na nangyari naman pero noong wala na siya.
Wala raw kailangang mabago kay Direk Carlo. Hindi na raw niya kailangan pang ipangalandakan ang naging serbisyo niya sa industriya lalo na sa maliliit na workers dito dahil na rin sa mga pelikulang ginagawa nilang mag-asawa.
Tinanong ko si Direk Carlo sa isyu’ng hindi naman daw siya ang nagdo-drawing ng mga karakter niya sa komiks.
Dito na umalma ang magandang maybahay ni Direk. May nag-interbyu na raw sa tahanan nila at nakunan na ang mga iginuhit ni Direk Carlo’ng paintings niya, pati na ang mga dati na nitong ginawa sa komiks. Dibuhista rin daw si Carlo ng ilang mga naging serye niya sa komiks.
Dagdag pa ni Carlo,naaawa siya sa mga nauulanan at baka mauwi pa sa pagkakasakit na mga taong nagsisipag-rally para lang mai-protesta ang kanyang pagiging National Artist.
“Sana funded ang pagpunta nila sa kalye. Nagwo-worry ako dahil nauulanan sila. Baka magkasakit pa. Eh, matatanda na ang marami sa kanila. Marami lang naman sa kanila, eh, gusto na namang kulayan ng pulitika ang lahat. Magpapasalamat na lang ako kina Senator Jinggoy Estrada at Senator Bong Revila sa kanilang suporta. Pati na kay direk Tikoy Aguiluz na natutuwa na nasa hanay natin ang isang gaya kong nabigyan nito.
“Sa mga naiinggit? Alam mo, mas maganda na ‘yung ang kaaway mo, pag sinampal ka, puwede mong suntukin, eh. Pag sinuntok ka, puwede mong barilin. Pag binaril ka, puwede mong idemanda. Nakikita mo, eh. Pero ‘yung mga naiinggit,‘yan ang mga mahirap na kalaban. Kasi, hindi mo sila nakikita at pailalim ang tira ng mga ‘yan.”
TAWA KAMI NANG tawa kay Peachy (Rufa Mae QUinto) nang bigla na lang kaming i-text nito. Binasa raw niya ang isang libro na matagal ko nang nairegalo sa kanya.
Inspirado nga raw siya ngayon dahil may love life na namang umaariba sa buhay niya. At pinag-usapan na nga ‘yung pagbili niya ng bahay sa Amerika na pinangarap niya lang marating matapos na pangarapin ding matuto lang magsalita ng Ingles.
Pero may intriga, ha? Na isang pulitiko ang nagregalo nito sa kanya.
“Laman lang sa bahay ang iniregalo. Pero marami kasing na-regalo sa akin. Pero nireregaluhan ko rin siya, ha? At saka ko na ang ibubunyag ang identity niya. When the time is right.”
Pero, hindi naman daw ibig sabihin na porke may bahay na siya sa Amerika, eh, pinaghahandaan na niya ang pagse-settle doon.
The Pillar
by Pilar Mateo