NGAYONG OFFICIALLY single na si Ruffa Gutierrez matapos ideklara ng korte na null and void ang kasal nila ni Ylmaz Bektas, ilantad na kaya niya kung sino ang ka-relasyon niya ngayon?
Madalas kasing sinasabi ng actress-TV host na may inspirasyon siya. Pero ayaw nga niyang tukuyin kung sino. Ang katuwiran niya, baka raw makaapekto sa proseso ng annulment ng kasal nila ni Ylmaz.
Matatandaan din na noong nagkaroon sila ng relasyon ni John Lloyd Cruz, isa sa mga dahilan kung bakit ginusto nilang ilihim ito hanggang sa mag-break sila ay dahil din sa annulment case nina Ruffa at Ylmaz.
So, libre na nga si Ruffa, wala nang dahilan para maging malihim pa siya sa kanyang lovelife. Kaya marami ang nag-aantabay sa posibleng pag-u-open up na ng aktres sa kung sino ang special someone niya ngayon.
Hindi rin kaya muling tawag-tawagan si Ruffa ni John Lloyd Cruz ngayong annulled na siya?
Kapag nagkataon, tiyak na ikaaalarma na naman ito nang husto ni Shaina Magdayao.
SENTRO NG diskusyon ngayon ang tungkol sa isinusulong na resolusyon na ipagbawal na ang paggamit ng character ng mga congressman bilang kontrabida sa pelikula. Kaugnay ng usaping ito, natanong namin si MTRCB Chairma Mary Grace Poe-Llamanzares kung ano ang kanyang stand.
“Personally, my personal opinion, I’m against it,” aniya. “Kasi I feel that it violates our freedom to express ourselves. Lalong-lalo na ‘yong mga direktor, ‘yong mga producer, ganyan.
“At saka sa constitution kasi natin, wala namang nakasulat do’n na… lalung-lalo na kung totoo? Hindi mo naman puwedeng pigilin ‘yong statements o ang pagpapalabas ng sumasalamin sa tunay na buhay, ‘di ba? Ano, lahat na lang bida? Hindi naman puwede iyon. So, ‘yon lang ang akin.”
Sa mga pumapabor na maaprubahan ang resolusyong ito, may gusto ba siyang iparating?
“Ganito na lang… ako naman ay kumpiyansa na marami naman sa ating mga kongresista na makikita naman nilang, na sana huwag naman nilang suportahan ang resolusyon na ito. Pero marami akong kaibigan sa kongreso na hindi rin naman sang-ayon dito.”
Isang taon na ang nakararaan mula nang maupo siyang chairperson ng MTRCB. Ano kaya ang masasabi niyang biggest achievement ng pamumuno niya sa MTRCB na kanyang maipagmamalaki?
“Sa tingin ko ‘yong achievement, ‘yong standard classification advisory natin sa TV. Kasi ngayon, bago pa lang lahat ng show, makikita mo na. So ‘yong iba, sasabihin sa mga anak… basta hindi puwede SPG (Strictly For Parental Guidance) ang papanoorin kapag wala ako. Hindi dahil sa masama ang SPG, ha? Maraming magagaling na dokumentaryo ang SPG. Kasi ipinapakita ‘yong abuses. ‘Yong mga gano’n. Pero siyempre kapag bata, katulad niyan, kami, minsan nanonood kami ng news… may nakikitang nasagasaan. Siyempre hindi ready ang mga bata sa gano’n. So, ‘yon. Para sa akin, ‘yon. Na ang mga magulang, nabibigyan ng tamang babala ang kanilang mga anak.”
At sa sinumang gusto raw magpaabot ng concerns tungkol sa mga palabas sa telebisyon o maging sa pelikula, anytime ay puwede raw makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa pamamagitan ng pagtawag sa hotline nilang 3767383.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan