ONE WEEK din ang inilagi ni Ruru Madrid sa Japan. Doon kasi unang ipinalabas kamakailan ang pinagbibidahan niyang indie Film na Above The Clouds, kung saan kasama niya si Pepe Smith.
“Ito ang pelikulang ginawa namin sa Baguio, Sagada, at Mt. Pulag,” aniya. “Si Pepe Diokno po ang director nito. Actually, two years po namin itong ginawa. As in sobrang tagal na po. Na ‘yong continuity namin, talagang ang lalayo na. Parang gano’n po.”
Acting piece daw ang kanyang role. Kaya talagang ibinuhos daw niya hanggang sa sukdulan ang kanyang acting talent para maiportray nang maayos ang kanyang character.
“Ginagampanan ko pa ang role ni Andy, isang 15 year old guy na namatay ang mga magulang dahil sa Bagyong Ondoy. Na parang nagsisisi ako na hinayaan ko silang mamatay na hindi ko sila nailigtas. Parang nagalit ako sa mundo at inisip ko na wala nang anumang natitira para sa akin. Hanggang sa may magpapakilala sa akin na Lolo ko, na ginagampanan naman ni Mr. Pepe Smith. Dadalhin niya ako sa Mt. Province. At doon po madi-develop ‘yong relationship namin bilang mag-lolo. Hanggang sa mari-realize ko na ang dami pa palang bagay na natitira sa mundo. Parang gano’n.”
Sulit naman daw kung natagalan man ang pagsi-shoot nila ng pelikulang ito. Maganda raw ang kinalabasan nito at ngayon ay may mga naka-schedule na screenings abroad.
“Una siyang ipalalabas sa Japan nga po,”excited na pagbabalita ni Ruru. “Pagkatapos po sa Japan, this coming December 12 po ay pupunta naman kami sa Singapore. Nominated daw po ako as best actor for this film na kasali sa isang film festival doon sa Singapore. Hindi naman po ako nag-i-expect na manalo. Pero maghu-hope lang po ako siguro. Pero hindi nga lang ‘yong asang-asa. Ayokong masyadong mag-expect, kasi mahirap na. Baka mamaya… hindi naman ako ang manalo!”
Huling napanood si Ruru sa katatapos lang na seryeng My Destiny at sa isang episode ng Seasons Of Love ng GMA 7. Wala pa siyang bagong soap na uumpisahan?
“Meron na raw pong bagong pinaplano. Teleserye po ito. Sa pagkakaalam ko, parang romance-comedy po ang tema.”
Sino ang kanyang makakapareha?
“Si Gabie Garcia po. Siya po ‘yong naging ka-partner ko rin sa My Destiny at saka sa Seasons Of Love.”
Balitang marami na nga raw kinikilig sa tandem nilang dalawa. At mabilis ang pagdami ng tagasuporta ng kanilang tambalan.
“Siyempre natutuwa ako. Siyempre kumbaga, natutuwa sila sa loveteam namin ni Gab. And feeling ko, parang itutuloy-tuloy na. So ako, excited ako siyempre. Kasi napamahal na sa akin si Gab,” tila nadulas na sabu ni Ruru. “As friend, ha!”natawang pagbawi niya.
Sa mga pictures na ipinu-post nila sa Instagram, sobrang sweet nila na parang may something special na nga sa pagitan nilang dalawa?
“Hindi. Kasi… very close lang talaga kami. Pero hindi po malabo na ma-develop kami sa isa’t isa. Si Gab naman po, hindi siya mahirap mahalin. Kasi ano po, e… parang nakikita ko rin sa kanya ‘yong ugali ko po. Makulit na… lahat ng mga jokes niya nasasakyan ko. So, feeling ko, talagang may possibility.”
Girlfriend material bang masasabi si Gab para sa kanya?
“Opo. Kasi siya ‘yong tipo ng babae na… ako po kasi mas gusto ko ‘yong conservative type na gaya niya.”
Ano ang nakakapigil para ligawan niya nang tuluyan si Gab?
“Ako po… siguro iniisip ko kasi ang future naming dalawa as loveteam, e. Kasi kapag halimbawa naging kami, kasi hindi natin masasabi halimbawa kapag nag-away kami. Sa magkarelasyon kasi, hindi maiiwasan na magkaroon ng away o problema. At kapag may gano’ng nangyayari, apektado ang loveteam at ang trabaho namin. Do’n ako natatakot. At saka masyado pa po kaming bata ni Gab para sa gano’ng bagay,” ending na naging pahayag ng 14-year old Kapuso young actor.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan