HONGKONG, CHINA – FULL support ang mga Pinoy sa “Register and Vote” campaign ni Senator Kiko Pangilinan sa Hong Kong, China nitong weekend. Sa banquet room ng Parklane Hotel sa Hong Kong island, ginanap ang isang presscon na dinaluhan ng mga local (HK) and Filipino media at doon nagkaroon ng dayalogo sa hangarin ng kampanya ni Senator Kiko. Panauhin ni Senator sina Ms. Tess Ople, representative ng mga OFWs sa Hongkong, Cong Ruffy Biazon, Consul General Claro at ang asawa nitong si Sharon Cuneta.
Sa dalawang linggong natitira na lang bago magsara ang “Overseas Absentee Voting” sa August 31, pinangunahan ng grupo nila Senator Kiko ang pagpapakalat ng balita sa mga OFWs sa Hong Kong na mag-rehistro at paganahin ang kanilang karapatang makaboto at pumili ng mga lider na siyang mamumuno sa ating bansa. Kasama ni Megastar sina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo.
Ipinakita at ipinahayag nila Ryan at Juday ang kanilang suporta sa kampanya na “Register and Vote” para sa lahat ng OFWs sa Hong Kong na sa kasalukuyan ay ang pinakamalaking pursiyento ng mga absentee voting, kumpara sa Dubai at iba pang bansa sa Middle East. Kasama rin nila Juday at Ryan si Tito Alfie Lorenzo. Maraming fans nila Juday at Ryan ang nagpakita sa naturang presscon, na nagkataon namang mga OFWs din doon. At dahil Linggo nataon ang presscon, marami sa mga kababayan natin doon ang nagkaroon ng pagkakataon na makadalo sa dayalogong inihanda ng Philippine Consulate sa Hong Kong sa kanilang opisina.
Sa aming interview kay Sharon, sinabi nitong sigurado at tuloy-tuloy na ang pagtakbo ni Senator Kiko Pangilinan bilang Vice President sa 2010. “Yan ang plano at hindi pa naman nagbabago kaya tuloy-tuloy na ‘yan!” pahayag ni Senator Kiko. Pinaghahandaan na nga nang husto ni Megastar ang pagtakbo ng kanyang asawa kahit pa may pelikula pa itong gagawin, ang Mano Po 6. “Sinabi ko sa kanya, ’yun nga may gagawin muna akong pelikula for the filmfest. Kaya sabi ko busy muna ako sa movie hanggang December lang naman, tapos nu’n, kampanya na kami ulit.” paliwanag ni Megastar. Sinabi rin nito na sa ngayon ay pinaghahandaan na nga nila ang lahat ng kanilang mga resources, lalo na ang gagastusin sa gagawing pangangampanya. Hinahanda na rin nila ang kanilang sarili sa mga posbileng paninira at demolition jobs na ibabato sa kanila. “Alam mo sa 9 years na tinagal ko sa pulitika, medyo hindi na tayo naapektuhan sa mga bagay na ‘yan,” sagot ni Senator. Tugon naman ni Sharon, “Alam mo, normal na kasi ‘yan lalo sa pulitika. Siyempre, sisiraan ka para maka-angat sila. So, kami, we’re just gonna do our best at ipagpapatuloy na lang namin ang malinis naming pangangampanya.”
Suportado naman nila Juday at Ryan ang pagtakbo ni Sen Kiko. Sigurado na raw sila na ieendorso nila ang senador para sa pagka-bise presidente. “Oo naman. Sigurado na ‘yun. Ever since naman kasi naniniwala na kami sa magandang hangarin ni Sen Kiko.’ Yung plano niya, nasa tama kasi siya. At ‘yun ang gusto naming, “ pahayag ni Juday.
Tuwang-tuwa ang mga Pinay OFWs sa opisina ng konsulado ng Pilipinas dahil mismong sila Mega, Juday, Ryan at Senator Kiko ang sumilip sa nagaganap na OAV registration noong araw na iyon.