PATULOY ANG PAMAMAYAGPAG ng Talentadong Pinoy ng TV5 bilang number one talent show sa bansa. At dahil ganitong klase ng programa ang in sa viewers ngayon, gumaya na ang Channel 2 at nagkaroon ito ng Showtime, gano’n din ang GMA-7 na meron namang Bitoy’s Showtime. Hindi tuloy maiwasang matanong si Ryan Agoncillo kung anong reaksiyon niya hinggil dito.
“Actually okey lang,” aniya. “Wala namang ano, eh… sabi lang namin, ginawa namin itong show na ito not to compete with anyone but because there’s a need for a talent show. And there’s an audience for a talent show.
“Now, lately napapansin tayo. At kung ‘yong iba ay gusto ring gumawa ng talent show. They think that they have a market also. O, eh, ‘di sige lang. It’s okay. It’s a free market anyway.
“Pero… ‘di ba? Ang pakiusap ko nga dati huwag nang tapatan, ‘di ba? Pero… mukhang gano’n ang mangyayari. Eh, ‘di okey lang.”
Wala raw rason for him to feel threatened. Kumpiyansiya raw umano siya sa standing ng kanyang show. Kuntento rin daw siya sa nangyayari sa career niya at happy sa lagay ng kanyang personal life.
“Okey naman. Masarap magkararoon ng asawang tulad ni Judy Ann Santos. Maasikaso talaga siya. Minsan, siya ang nagluluto. Ang ano pa sa kanya kasi kapag nagluto siya… masaya siyang magluto. Hindi siya ‘yong nagluluto dahil napipilitang magluto. Masaya siyang nagluluto kaya kapag isinilbi na ang pagkain, masarap.
“When we were just starting, madalas ko siyang ipagluto no’n. Pero siyempre mas gumaling na siyang magluto, eh, ‘di siya na lang ang nagluluto sa amin. Kasi baka mapahiya pa ako! Ha-ha-ha!
“Her dedication to be a wife… it’s something that surprises me hanggang ngayon. Siyempre ang career woman, career woman naman ‘yan. Hindi mo basta-bastang mapapanatili ‘yan sa bahay nang gano’n. Nagugulat pa rin talaga ako ngayon na siya mismo, nagpupursige siya na kahit minsan busy siya sa trabaho, sasaglit ‘yan sa bahay para lang magprepara ng pagkain ko at saka ng pagkain ng anak naming si Yohan.
“Or halimbawa, uuwi siya nang maaga kasi gagawin niya ang project ni Yohan. Talagang ang sarap umuwi ng bahay kapag gaya ng isang Judy Ann Santos ang daratnan mo. Korek!”
Ano naman ang kanyang isinusukli sa pagiging dedicated ni Juday bilang housewife?
“Inuubos ko ‘yong pagkaing niluluto niya! Ha-ha-ha! At saka siyempre, hindi pa rin nawawala ‘yong lambing.”
Kung siya lang ang masusunod, mas gugustuhin ba niyang mas maraming ilang oras si Juday bilang misis niya? Na maging part-time actress na lang ito?
“Hindi ko masasagot ‘yan kasi hindi naman ako ang nasusunod. Dalawa kaming nasusunod. Kung ako lang ang masusunod, dapat ang pera ko mga ten billion pesos. At sa bahay lang kami pareho, na magbuburo na lang kami roon. Ha-ha-ha!
“Pero hindi, eh. Alam mo ngayon, sa panahon ngayon, you have to be practical, ‘di ba? At sa amin naman we’ve always said, that’s the reason why we want a traditional family set-up. Kasi ang pinanggagalingan namin at ang mga desisyon namin, hindi naman siya tradisyunal. Naniniwala kami sa pagkakapantay ng lalaki at babae.
“Of course there’s a role that a man has to fulfill. And also theres’ a role that a woman has to fulfill. Do’n lang kami nagsisimula. Pero pagdating sa mga desisyon. Hindi naman ‘yan ‘yong tipo dahil ako ang lalaki, ako ang nasusunod. O, dahil siya ang babae, ‘yong gusto niya ang mangyayari. Merong pag-uusap lagi.”
Marami ang nag-aabang na magka-baby na sila. Lahat ay nai-excite kung ano kaya ang magiging hitsura ng magiging anak nila.
“Alam mo, excited din kami, eh. Pero siyempre kailangan nating isipin na may mga bagay talagang hinihintay ang tamang panahon. Ibibigay rin ng Diyos ‘yan kapag akma na ang panahon.
“Hindi naman kami napi-pressure. Alam mo, wala pa naman kaming isang taong kasal. Ini-enjoy namin ‘yong presence ng isa’t isa. Nagkakapaan pa rin naman kami ng ugali ng isa’t isa. At meron na rin naman kaming panganay na si Yohan. Ayon!
“Siguro naiisip lang ng mga tao ‘yong pressure dahil ang daming nagtatanong. Pero tulad ng pagpapakasal din namin dati, ‘di ba ang daming nagtatanong? Pero hindi naman kami nagpa-pressure. Ginawa namin kung kailan kami handa.
“Gano’n din siguro ‘yong pagkakaroon ng baby. Kung kailan kami handa, do’n kami magkakaroon ng anak,” patapos na naging pahayag ni Ryan.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan