BAGO magpandemya ay isa sa busiest Kapuso turned Kapamilya stars ang Viva artist na si Ryza Cenon. Nagbuntis at nanganak ang aktres noong unang taon ng pandemya at ngayon ay unti-unti na rin siyang bumabalik sa trabaho.
Sa kanyang bagong papel bilang isang ina kay Baby Night, may payo ang aktres sa mga kapwa momshies na nahihirapan pagdating sa paghandle ng tantrums ng bata.
Through her social media accounts ay ibinahagi ni Ryza na may isang gabi na nahirapan siyang patahanin ang kanyang anak. Kadalasan daw ay tumatahan ito kaagad kapag ito ay niyayakap, pero iba ang kaso noong gabing iyon. Pinasa din niya sa ama ang anak, pero hindi pa rin ito tumahan.
“Si Dada sasabihan nya dapat si Night pero pinigilan ko. Tapos kinausap ko ng mahinahon si Night, kinuha ko.. niyakap ko tapos tinanong ko sya anong problema? Habang hinihimas ko yung likod nya.. iyak lang ng iyak hanggang sa kumakalma na sya tapos sabi hug lang mommy kapag ganyan nararamdaman mo,” kuwento ni Ryza.
Kinausap niya ng mahinahon ang bata at nagpatugtug ng classical music hanggang sa makatulog ito. Para kay Ryza, hindi dapat sinasabayan ng magulang ang tantrums ng anak.
Hayaan lamang ito at huwag pagagalitan.
“Hayaan nyo muna sila, bigyan nyo ng space. Wag natin sabayan yung tantrums nila. Meaning wag natin silang pagalitan, pagsabihan, o sigawan. Kasi mga bata pa sila hindi pa rin nila naiintindihan yung nararamdaman nila. Ngayon pa lang nila na didiscover yung feelings or emotions nila,” paliwanag nito.
Ayon din kay Ryza, dapat ay kinakausap ang bata para masanay ito na magsabi kung sakaling may nararamdaman ito.
“Minsan kasi kaya nagtatago ng nararamdaman yung mga anak natin dahil natatakot sila na mapagalitan. Kaya matuto tayo maging mahinahon sa bawat sitwasyon pagdating sa mga anak natin,” sambit niya.
Bilib kami sa pagiging hands on mom ni Ryza. Sure kami na kahit na kasado na ang mga proyekto niya sa Viva ay hindi nito pababayaan ang kanyang baby boy.