MARAMING NAGMAMAHAL sa sikat na sikat ngayong child star na si Ryzza Mae Dizon, katulad na lamang ng kanyang mga kapamilya sa programang Eat Bulaga ng GMA-7 kung saan talaga siya nagsimula, ang nagbibigay ng suporta sa kanya. Na kung ano man ang kanyang mga pangarap noon na kanyang iniisip na mangyari at makuha ay matutupad na ngayong nasa showbiz na siya, dahil araw-araw naman siyang nagtatrabaho bilang bulilit star.
Dahil bata, napakatotoong tao ni Ryzza sa kanyang pagkukuwento tungkol sa mga dinaanang hirap ng kanilang buhay, at kung ano ang mga wala noon na nakukuha na niya ngayon. Masayang magkuwento si Ryzza sa mga magagandang nangyayari ngayon sa kanyang buhay. Pero alam pa rin niyang ikuwento ang mga kalungkutan dati ng kanilang pamilya. Sa kanyang pagiging totoo, doon siya minahal ng masa, lalo na sa pinauso niyang sayaw na cha-cha, na habang sumasayaw, dapat ay nakanganga.
Hindi mananalo ang mga panlalait, na hindi naman daw maganda si Ryzza, pero bakit sumikat? Hindi na naaapektuhan ang child star sa mga ganyan. Ang mga taong nagmamahal sa kanya ang nasasaktan ang siyang nagtatanggol sa kanyang detractors. Hindi lang naman kasi magaganda’t mga guwapo ang may lugar dito sa showbiz. Pinapansin din ang talento. Naku, magsayaw na lang si Ryzza ng cha-cha para lalong mamatay sa inggit ang mga nanlalait sa kanya.
MARAHIL KUNG talagang mapapakasalan ni Senator Chiz Escudero si Heart Evangelista ay doon pa lang unti-unting maglubag ang kalooban ng mga magulang ng young actress na sobra ang pagtutol sa kanilang relasyon sa ngayon. Malaking takot siyempre sa mga magulang ni Heart, na ang kanilang anak ay sobra-sobra kung magmahal. Sa ilang ulit nitong pakikipagrelasyon na nagtatagal, halos kasal na lang ang kulang, pero hindi pa nga nangyayari.
Kahit pa maigsi lang ang naging pakikipagrelasyon ni Heart, katulad ng sa kanila noon ni Daniel Matsunaga, alam ng mga magulang ng aktres na nagbuhos din talaga ang kanilang anak ng buong panahon nito at pagmamahal sa guwapong modelo. Matapang ang kalooban ni Heart kapag siya ay in love, dahil talagang kahit sa kanyang mga magulang ay laging ipinakikipaglaban ang kanyang kalayaan na magmahal, katulad ng nangyayari ngayon, kung papaano niya ipaglaban si Sen. Chiz.
Para ngang walang pakialam si Heart kapag siya ay nagmahal. Nakatutok lang ang kanyang paniniwala sa nagpapasaya at nagpapaligaya sa kanya. Ang pangamba sa ngayon ng kanyang Mommy’t Daddy ay narating na talaga ng kanilang anak ang edad para sa paglagay sa tahimik o ang magpakasal. Papaano nga naman kung magtagal ang relasyon nina Heart at Sen. Chiz kung sa dulo ng kuwento ay hindi rin siya mapakasalan at magkahiwalay din sila? Sa pasukdol na salita, ayaw ng kanyang mga magulang na si Heart, kapag nabigo ay muling babalik sa kanila na parang isa nang laspag.
ChorBA!
by Melchor Bautista