ISANG PANGKAT ng mga OFW sa Al-Jouf province ang naging biktima ng pagmaltrato, abusong pisikal at pananakot ng kanilang employer ang nananawagan sa Philippine Embassy na sila ay tulungan. Kabilang sila sa mga walang iqama at nagtungo sila sa Riyadh upang mag-apply ng amnesty. Sa kabutihang palad, sila naman ay nanalo sa local labor court. Ngunit hindi doon nagwakas ang kanilang kalbaryo.
Ang kanilang sponsor ay nag-apela pa sa Riyadh Appeal Court at may nakatakdang hearing sa Disyembre. Ngunit ayon sa kanilang lider na si Norberto Mariposque, ang kanilang grupo ay hindi na kayang maghintay. Ayon sa kanila, sila ay nagpunta sa Riyadh sapagkat iyon ang sabi ng Philippine mission sa kanila. Ngunit pagdating nila doon ay walang umasikaso sa kanila.
Sa dalawang-taon nilang pagtatrabaho roon, ‘di sila nabigyan ng iqama at driving license at naantala ang kanilang mga sahod. Liban pa rito, madalas si-lang makatikim ng abusong pisikal at pananakot. At nang manalo sila sa lower court ay nag-apela naman ang kanilang amo at malamang na tumagal pa ang kaso.
Wala bang magagawang paraan ang mga taga-embassy na matutukan ang kaso kahit na wala na ang mga manggagawang ito sa Saudi?
Dito at sa abroad, pangkaraniwang natatalo ang kaso ng mga manggagawa dahil sa tagal ng mga pagdinig. Sa matagalang labanan, nakalalamang ang may pisi o kapital at laging talo ang walang perang manggagawa kapag tumagal ang labanan. Dito dapat pumapasok ang ayuda ng gobyerno.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo