SAKTONG-SAKTO ANG TITLE ng Till My Heartaches End kina Gerald Anderson at Kim Chiu sa nangyari sa presscon ng naturang pelikula kahapon nang itanong ang isyung nagkakalabuan sila porke pumasok sa eksena si Bea Alonzo na ang sabi, sa tunay na buhay ay syota ni Gerald.
Nauna pa rito, nu’ng mabalitaan ito ng Kimerald Fans, ilan dito ang nagbanta na sasabuyan nila ng asido sa mukha si Bea ‘pag nakita nila o ‘di kaya ay papatayin si Gerald, dahil “nagtaksil” sa kanilang idolong si Kim.
Nag-walk-out nga ba o hindi na nakayanan ni Gerald ang tunay niyang saloobin kaya umalis siya sa presscon at hindi na bumalik? Hirap nga ba sa paghinga ang aktor?
Ayon sa moderator ng presscon, hindi na raw makababalik sa panel si Gerald, dahil nagkaroon daw ito ng hyper-ventillation.
Naiyak si Gerald habang sinasagot niyang apat na taon din silang nagkaroon ng special relationship ni Kim, me mga good times at bad times.
“Hindi po ako perpektong tao. I’m trying my best to be the best, pero tao lang din po ako!”
Si Kim ay naiyak na rin, dahil gusto niyang pasalamatan ang mga fans sa sobrang pagmamahal sa Kimerald, pero gusto rin niyang ipaintindi na me kanya-kanyang buhay sila ni Gerald.
GANO’N TALAGA ANG mga fans. Hindi namin nilalahat, pero karamihan, one-track minded. Para silang kabayo na may tapaoho na isang direksiyon lang ang tingin.
Naging fan din naman kami noon ni Aga Muhlach. Pero hindi naman kami nagpakabaliw kay Aga.
Gusto pa rin naming intindihin na kahit Aga-Janice de Belen fan kami, me sariling buhay si Aga.
Ang pinakaimportante naman sa amin ay kung saan at kelan maligaya ang aming idol, eh.
Pero ‘yun nga lang, hindi naman pare-pareho ang mga fans, kaya gusto rin naming intindihin kung gaano “ka-selfish” kung minsan ang ibang fans.
NGAYON NA ANG regular showing ng Petrang Kabayo, ang launching movie ni Vice Ganda.
Kami na po ang nagsasabi na hindi masasayang at sulit na sulit ang inyong ibabayad sa sinehan. Maganda ang kuwento, hindi nakakainip ang mga eksena at ang daming “sorpresang” dayalog ang cast, lalo na si Vice Ganda.
Sa kabuuan, nakakatawa ‘yung pelikula at may moral lesson pa. Parang nasa comedy bar ka at pinanonood mo si Vice na nag-i-stand up.
Pakatutukan n’yo ang batang kapatid ni Vice Ganda. Sobrang maaaliw kayo. At ito palang batang ito ay nasa Kokey@Ako, ‘no?
Ngayong gabi rin ang alis ni Vice patungong San Francisco, California para sa kanyang 3-night show with Ms. Lani Misalucha, sa Stockton, San Diego at LA.
Kaya mami-miss ng madlang pipol si Vice sa Showtime, pero buti na lang, may Petrang Kabayo kayong panonoorin.
‘Wag n’yong kalilimutang makinig palagi sa “Wow! Ang Showbiiiz!” sa dwiz 882 sa inyong AM station at maririnig din sa www.dwiz882.com, 11-12 nn with Rommel Placente, Ms. F at Francis Simeon.
Oh My G!
by Ogie Diaz