HINDI PA rin pala nakikipag-usap si Ara Mina sa Viva Artists Agency na manager nila ni Cristine Reyes para pag-usapan itong isyu nilang magkapatid.
Ayaw raw ni Ara na makipag-usap kasi alam niyang aayusin lang si-lang magkapatid.
Desidido na raw si Ara na ituloy ang demanda kaya kahit sabihin pang magkapatid nga sila, at close pa naman, gusto niyang mabigyan ito ng leksyon sa lahat na ginawang pagmamaliit sa kanya.
Kahit nananahimik si Cristine sa isyung ito, wala sa kanya ang simpatiya dahil kahit saan ito dalhin, naintindihan nila kung bakit napilitan si Ara na gawin ito.
Wala ngang kakampi si Cristine kahit may mga nagsasabing sana hintayin munang magsalita ito bago siya husgahan.
Hindi kasi maganda na pera ang dahilan ng away. Si Cristine ang mas lamang ngayon at mas kumikita, sana naging mapagbigay muna siya at huwag namang matahin ang ate niya nang ganu’n-ganu’n na lang,
Nu’ng kasikatan ni Ara, nakikita naman kung gaano ka-supportive na ate si Ara kay Cristine.
Napapaaway pa nga ito minsan para maipagtanggol lang ang ka-patid niya, pagkatapos ito lang pala ang napala niya.
Ang sabi ni Ara, maglalabas daw siya ng statement sa susunod na linggo.
Wala pa kaming ideya kung ano ang sasabihin nito pero mukhang walang pag-aayos na mangyayari at ewan ko kung magsasalita pa si Cristine para maipagtanggol ang sarili.
Ang sabi ng Viva, sisikapin daw nilang mag-mediate sa iringan ng magkapatid, pero susundin naman daw nila kung ano ang desisyon ng piskalya sa kasong isinampa ni Ara.
Mapipilitan ding magbigay ng statement si Cristine dahil kailangan niyang mag-submit ng affidavit sa complaint ni Ara.
‘Yun na lang ang abangan natin kung ano ang sagot niya sa reklamo ng ate niya.
PAGKATAPOS MAGPA-PRESSCON ni Nadia Montenegro at sinabi niyang magsa-submit sila ng Motion for Reconsideration sa kasong Child Abuse, sumagot na rin ang mga abogado ni Annabelle Rama.
Sinabi kasi ni Nadia na may mga witness daw silang ilalabas para mapatunayang guilty si Annabelle sa kasong isinampa nila.
Kaya lang takot pa raw ang mga kinakausap nila posibleng mag-witness sa kanilang panig.
Pasensiya na raw si Nadia dahil may trabaho raw silang iniisip kaya ayaw nilang magsalita, at takot nga sila kay Annabelle. Sana raw mawala na ang takot nila para magsalita raw sa mga nasaksihan nila kung paano raw tinrato ni Annabelle ang mga anak niya.
Ayaw nang magsalita ni Annabelle tungkol dito. Sabi lang niya, hindi raw totoong may mga kinakalat siya malisyosong kuwento sa mga anak ni Nadia, kaya alam niyang hindi siya guilty sa ibinibintang sa kanya.
Naglabas na lang ng statement ang abogado nito na si Atty. Howard Calleja.
Bahagi ng statement nito: “It must be reiterated that it is not the number of witnesses that matter in the end but only the truth. And the truth has already prevailed that there was no child abuse.”
Umakyat sa korte ang kasong Libel at Unjust Vexation laban kay Annabelle, kaya magpa-file din daw sila ng Motion for Reconsideration.
Hay, naku! Malapit nang pagsawaan ang isyung ito na tiyak matagal pa ang tatakbuhin nito.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis