Pilar Pilapil
NAGANAP NGAYONG taon ang dalawa sa mga ‘di inaasahan at ‘di malilimutang aksidente sa showbiz, isa nga rito ang nangyaring pana-naksak sa beteranang aktres na si Pilar Pilapil. Ito ay ang kasong carjacking at tangkang pagpatay sa aktres na noo’y natagpuang may pitong tama ng saksak sa katawan at itinapon sa bakanteng lote sa Antipolo City. Kinilala ang kasama ni Pilar sa nangya-ring insidente, ang pamangkin nito na nagngangalang Rosel Jacosalem, kung saan nagkita ang dalawa tungkol sa isang mahalagang transaksyon. Nasa loob umano ng KIA Van si Pilapil at si Rosel nang biglang sumulpot ang dalawang armadong kalalakihan at sila’y tinutukan. Matapos gawin ang krimen ay agad na tumakas ang mga suspek tangay si Rosel at ang sasakyan. Dinala naman sa pagamutan si Pilapil. Sa pag-usad ng imbestigasyon, lumutang na may kinalaman si Rosel sa krimen at isinagawa ang isang malawakang manhunt laban dito kaugnay ng kasong robbery at bigong pagpatay sa aktres. Ayon sa mga testigo, naispatan si Rosel sa Sampaloc, Manila na nagmamaneho ng KIA van ni Pilapil at pinalutang din umano nito ang anggulo ng ‘kidnap me’ matapos itong mag-text sa kanyang mister na si Nelson Peñas kamakailan hinggil sa paghingi umano ng P10-M ng mga kidnappers kapalit ng kalayaan niya. Sa ngayon ay mabuti na ang kalagayan ni Pilapil at nagbalik na sa trabaho para sa isang British independent film.
Joseph Bitangcol
GRABE RIN ang nangyari sa young actor at produkto ng Star Circle Quest na si Joseph Bitangcol sa naganap na aksidente nang bumangga ang kanyang sasakyan kasama ang lima pang kaibigan sa isang 10-wheeler dump truck sa Antipolo City na muntikan na nilang ikasawi. Lulan ang binata ng Mitsubishi Montero na may plakang PUQ 739 at binabagtas ang Sumulong Highway nang maganap ang aksidente malapit sa Fatima College. Patungo sa Marikina ang mga biktima nang biglang sumulpot ang truck na galing Bulacan at nahagip ang kanilang sinasakyan. Matagal ding naospital ang aktor sa tinamong injuries sa mukha at iba pang bahagi ng katawan. Sa muling pagharap ni Joseph sa telebisyon, puno siya ng pag-asa at pasasalamat. Una ngang isinalaysay ng aktor ang pinagdaanan niyang operasyon at ang kanyang pagpapagaling. Sa laki ng gastusin sa ospital at operasyon, hindi nagdalawang-isip ang mga kaibigan at kakilala ng binata mula sa tatlong istasyon – TV5, ABS-CBN 2, at GMA-7 – na bumuo ng fund-raising activities at benefit shows para makalikom ng halaga para sa kanyang mga gastusin at pangangailangan para sa mabilis na pagpapagaling.
Parazzi Chikka
Parazzi News Service