MAGPAPAKASAL NA ba si Ai-Ai delas Alas sa December sa boyfriend niyang ilang buwan pa lang niyang nakakarelasyon?
Hindi sa kinukuwestiyon namin ‘yung lalaki porke kaibigan at kumare namin si Ai-Ai, ha? Kilala kasi namin si Ai-Ai ‘pag nagmahal ‘yan, eh. Para ring bakla. Maramdaman lang niyang love siya ng lalaki, akala niya, ‘yun pa rin ang feeling nu’ng lalaki next week.
Hindi pa kasi kami masinsinang nakakapag-usap ng aming kumare, dahil gusto naming sabihin sa kanya na i-enjoy lang niya kung anuman ang meron sila ng lalaki ngayon. Although hindi naman namin sasabihin sa kanyang, “Bahala na bukas”.
Dahil kilala namin si Ai-Ai, feeling din namin, ngayon lang ‘yang ganyang feeling. Baka nga wala pang December, mag-iba na ang ihip ng hangin.
Kaya, Mareng Ai-Ai, i-enjoy mo lang muna ang “kadakilaan” ng pag-ibig ng iyong boyfriend.
Hahaha! Alam na.
HANGGANG NGAYON, me umookray pa rin sa amin sa twitter tungkol sa sumunod na video na lumabas sa TV5 kung saan tinampal sa noo ng kasama ni Claudine Barretto at Raymart Santiago si Mon Tulfo sa NAIA 3.
Kesyo magkano raw ang ibinayad sa amin ng mga Tulfo para kampihan si Mon?
Juice ko, ang kababawan nga naman ng mga tao, ‘no?
Una, kahit ilambeses na naming nai-tweet at naisulat, wala kaming sinabing kampi kami kay Mon Tulfo o naniniwala kami sa kanya.
Porke nasasakote na ang idol nila eh, ‘yun na ang bintang sa amin.
Hello, kailangan pa ba naming sabihing hindi namin kailangan ang pera ng mga Tulfo, dahil unang-una, sapat-sapat ang kinikita namin sa ABS-CBN?
Porke “ipinakikilala” lang namin ang “attitude” ni Claudine, kampi na kami kay Mon? Hindi ba pwedeng ‘yun naman ang popular opinion kasi ng taumbayan?
Kaya gusto naming intindihin na lang itong ilang fans ni Claudine, eh. Dahil unang-una, kaya nga fans, anuman ang gawin o sabihin ng kanilang idol ay ‘yun ang kanilang pinaniniwalaan.
Nakakatuwa lang na may mga matatalino ring fans na nag-iisip muna at magninilay-nilay kung talagang gaga ang kanilang idol o mabait na tao.
TALUNG-TALO ANG showbiz kahapon, dahil buong bayan ay nakatutok sa judgment day ni Chief Justice Renato Corona sa impeachment trial.
Ilang shows din sa ABS-CBN, GMA-7 at TV5 ay na-preempt, dahil napakaimportante nga ng coverage na ito. Kaya ang resulta: Guilty si Corona.
Sana nga, magsilbing aral sa lahat ng mga nasa gobyerno ang isyung ito. Na kahit ikaw pa ang pinakamakapangyarihan sa bansa, no one’s above the law.
Oh My G!
by Ogie Diaz