BLIND ITEM: KUNG dati-rati’y napagtitiisan ng isang chief reporter ng isang TV station ang kanyang ‘lady bossing’ for her quirks, malamang na magbitiw na raw siya sa kanyang trabaho.
Si Madame Host (MH) holds a weekly TV program na tumatalakay sa mga samu’t saring mukha ng buhay, wala rin naman itong ipinagkaiba sa format ng kanyang dating show, na-retain lang ang ‘ikalawang letra’ bilang pagkilanlan sa kanya.
Marami na kaming kuwentong naririnig tungkol sa umano’y pagiging high-handed ni MH as to how she delivers her work in her coverages. Among other things, nariyang na-bad trip daw ang isang grupo ng mga madre, nabuwisit din daw ang mga hospital staff sa kanya, tinawag daw niyang pretensiyoso ang kinabibilangang pamilya ng isang TV host-actress na kaistasyon pa mandin niya, ang pang-iisnab sa kabaro niya mula sa ibang news program.
All this ay pikit-mata na lang palang pinagtiyagaan ng naturang chief correspondent labag man sa kanyang naghihimagsik na kalooban. Pero ang pinakahuling kuwento tungkol kay MH ay hindi na kayang sikmurain ng tauhan nito.
Buhay at humihinga pa raw kasi ang isang may-edad nang aktor ay gusto na sana itong gawan ng chief reporter ng feature. Makulay kasi ang tinahak na buhay ng namayapa nang aktor, pero hinarang daw ‘yon ni MH, saka na raw buuin ang istorya tungkol sa naturang subject kung patay na ito. Sa ganoong paraan daw ay mas madamdamin ang paglalatag ng kuwento nito sa kanyang lingguhang programa.
Hindi lang inis ang lumukob sa chief reporter, kundi galit sa maling katwiran ni MH. Nasaan na raw ang pagiging sinsero ng kanyang bossing kung ang layunin pala nito’y hindi para maghatid ng serbisyo-publiko, kundi gawing kapital ang pagyao ng aktor sa paraang ikaaantig ng damdamin ng kanyang mga manonood?
By now, the chief correspondent must have tendered his irrevocable resignation, hindi dahil wala siyang sampalataya sa programa kundi kung paano ito patakbuhin ni MH.
Aware kaya ang management sa estilong ito ng isa sa kanilang mga prized possession pa mandin?
IF THERE’S SUCH a phrase as ‘enjoying the best of both worlds’, binasag ito mismo ni Eugene Domingo na lumalagare, not just in both, but in three major TV stations aggressively trying to outdo, outcompete and outrate one another!
Nakakaintriga kung gano’n ang kontrata ni Uge. May regular show siya na Comedy Bar sa GMA-7, manaka-naka rin siyang lumalabas sa film arm ng ABS-CBN, ang Star Cinema. And lately, bukod sa hindi naramdamang fantaserye niya sa TV5 na Inday Wanda (na Wa Na?), here comes her Sunday game variety na Lucky Numbers.
How lucky naman can Uge get, kelan pa naging masuwerte ang numero tres, given her three shows in three warring TV stations, sa paniniwala ng mga feng shui experts?
Does this mean na wala palang pinirmahang exclusive contract si Uge sa GMA-7? So, branding-wise, with her wings spread far and wide, among the three ‘K’s’, (Kapamilya, Kapatid at Kapuso) saang istasyon pala ang kinabibilangan ni Eugene?
Let me rephrase it: which of these three TV stations is Uge most loyal to?
Speaking of Lucky Numbers which airs every Sunday at 1 pm., co-host ni Uge rito si Keempee de Leon (na obviously, wala ring exclusive contract with GMA-7 dahil ang kinabibilangan naman niyang Eat Bulaga, produced by Tape, Inc., is not station-produced).
Isang milyong piso lang naman ang maaaring mapanalunan, gamit ang cellphone habang nag-e-enjoy sa mga gimik ng programa. To register, dapat makakuha ng dalawang numero base sa last seven digits ng inyong cellphone number mula sa anim na magic numbers electronically generated by the show.
Pepperoni
by Ronnie Carrasco III