NAGING MATAGUMPAY ang kauna-unahang concert ng nangungunang soap ng ABS-CBN na Be Careful With My Heart cast sa pangunguna nina Jodi Sta. Maria at Richard Yap na ginanap sa Metro Bar entitled 2GEDER.
Punum-puno ang nasabing venue at marami ang hindi nakapasok na gusto pang bumili ng ticket pero ubos na at nakatayo na ang ibang taong nasa loob. Isa sa talaga namang umani ng palakpakan at tilian ay ang 2012 PMPC Star Award for TV Best New Male TV Personality na si Arjo Atayde na first time naming napanood na kumanta at sumayaw.
Tsika nga ng mga kapatid sa panulat na naroon at nanood din, maraming artista ng Dos ang patataubin ni Arjo pagdating sa sayawan at kantahan, dahil na rin sa sobrang galing nito.
Puwedeng-puwede na nga raw itong makipagsabayan sa mga prinsipe ng dance floor ng ABS-CBN na napapanood humataw sa ASAP tuwing Linggo sa galing nitong sumayaw at ‘di rin naman ito pahuhuli pagdating sa kantahan. Kung boses at boses lang ang pag-uusapan, maganda rin ang boses ng anak na ito ng 2012 PMPC Star Awards for TV Best Single Performance by an Actress na si Ms. Sylvia Sanchez.
OKEY LANG daw at hindi big deal para kay Laguna Gov. ER Ejercito ang hindi pagsakay ni Nora Aunor sa float ng El Presidente sa Parade of Stars na gaganapin sa December 23, kung saan kasama rito at may espesyal na partisipasyon si Ate Guy.
Tsika ni Gov. ER, nauunawaan niya ang Superstar dahil ito ang lead star ng Thy Womb kaya pinili ng aktres na sumakay sa float ng pelikula niya na isa rin sa official entry sa Metro Manila Film Festival 2012 along with Sisterakas, Shake Rattle & Roll The Invasion, One More Try, Si Enteng, Si Agimat at Si Ako, at The Strangers.
Pero kung hindi makasasakay sa float ng El Presidente si Ate Guy, sa dami ng artistang kasama sa inaabangang pelikula ay baka ito ang maging star-studded na float sa araw ng parada sa dami ng mga artistang nangakong sasakay rito sa pangunguna ng award-winning actor na si Christopher de Leon.
MARAMING PUMURI sa acting ni Alfred Vargas sa kanyang pelikulang Supremo. Malakas nga raw ang laban nito for best actor sa mga award-giving body sa 2013.
Ayon na rin sa mga nakapanood, kakaibang Alfred Vargas ang napanood nila sa Supremo. Kering-keri raw ni Alfred ang pagiging Andres Bonifacio na lutang na lutang ang galing sa pag-arte.
Kaya naman daw nang makarating ito kay Alfred, sobrang saya nito at very thankful sa mga papuring ibinibigay sa kanya at sa kanyang pelikula. Sulit na sulit daw ang hirap at pagod sa paggawa ng Supremo sa dami ng nagkakagusto rito.
MALUNGKOT ANG Japanese actor/singer/producer na si Jacky Woo dahil hindi ito makadadalaw sa Pilipinas ngayong darating na Kapaskuhan. Balita kasing hanggang ngayon ay meron pa rin itong sakit.
Mula pa raw sa New York hanggang sa pagdating nito sa Japan, masama na ang pakiramdam ni Jacky pero sinikap niyang madaluhan ang iba’t ibang aktibidades sa IFFM NYC. Hindi kaya sa malamig na panahon?
Sa pagbabalik niya sa Japan from the US, na-confine pa si Jacky sa ospital at sinabihan ng doctor na kailangang magpahinga para mabilis na maka-recover at bumalik ang sigla ng kanyang katawan. Dala raw marahil ng sobrang pagod, dahil na rin sa sobrang sipag nito sa pagtatrabaho, ang dahilan ng kanyang pagkakasakit.
John’s Point
by John Fontanilla