TAHIMIK PA RIN sina Vic Sotto at Pia Guanio sa isyung hiwalayan. Pero ang sabi sa Showbiz Central, sa pagbabalik ni Pia galing Thailand, magsasalita na raw siya at lilinawin na niya ang isyung ito.
Ang tanong lang: Aamin kaya ito o magdi-deny?
Nakapagdududa lang kasi dahil pareho silang tahimik at ayaw nilang magkomento sa intrigang ito.
Magmula nang pumutok ang balitang break-up nila, walang may nagsasalita sa kanila at quiet lang talaga sila.
Nu’ng minsang sinadya nga ng Startalk si Bossing Vic sa Eat… Bulaga! para interbyuhin, nang nalaman niyang tungkol sa break-up ang pag-usapan, tumanggi ito at nagalit pa raw.
Lalo pa yatang nagalit ngayon dahil nadadamay naman ang isang kasamahan nila sa Eat… Bulaga! na si Daiana Menezes. Katambal kasi ni Bossing ito sa My Darling Aswang sa TV5, pero hindi naman daw totoo ‘yun. Tingin ko nga, hindi!
Narinig ko namang laging lumalabas daw si Pia kasama ang mga kaibigan at hindi kasama si Bossing. Parang girls night out daw para sandaling makalimot sa break-up.
Napag-uusapan naman namin minsan ito nina Joey de Leon sa Startalk. Wala talaga siyang masasabi dahil nakikita naman daw niyang okay ang dalawa. Ginagawang biruan na lang daw nila ang isyung ‘yun, pero mukhang okay raw.
Ang isa pang aabangan daw natin, kung hindi sasama si Pia sa Eat… Bulaga! show nila sa Amerika sa September, ibig sabihin nu’n, wa na nga talaga.
Pero sa ngayon, kung meron ngang problema, baka naman inaayos nila na magkabalikan. Kasi sayang din ang mahigit limang taon nilang relasyon at dinig ko, nagpatayo na nga raw ng bahay si Pia malapit sa bahay ni Bossing Vic.
Sinabi pa naman noon ni Bossing Vic na dineklara na niyang si Pia na ang huling babae sa buhay niya. Kaya kung may problema man, tingin ko, sinusubukan nilang ayusin ang ano mang problema nila.
SA LINGGO NA pala magsisimula ang bagong episode ng Love Bug sa GMA-7 na napapanood natin tuwing Linggo pagkatapos ng Party Pilipinas.
Itong bagong episode nila ay Exchange of Hearts na tampok ang apat na Starstruck winners na sina Sarah Lahbati, Steven Silva, Diva Montelaba at Enzo Pineda. Sila na ang bida rito, kaya rito natin makikita kung kaya na ng mga batang ito na magdala ng show.
Sa Camiguin kinunan ang buong episode at puring-puri naman ni Direk Andoy Ranay ang mga bata.
Bago pa man sila pinagla-loveteam, mukhang nagkakadebelopan na sila. Botong-boto ang pamilya nina Enzo at Sarah na magkadebelopan na ang dalawa, pero pinagsasabihan naman silang mag-focus muna sa trabaho dahil bata pa nga naman sila.
Si Diva naman ay inaamin niyang posible silang magkadebelopan ni Steven dahil close naman talaga sila noon pa. Pero ganu’n din ang payo sa kanila ng GMA Artist Center na unahin muna nila ang trabaho bago ma-in love.
Masunurin naman ang mga bata at gusto nilang mapatunayan munang kaya na nilang magdala ng show, kaya wala pa silang karapatang makipag-inlaban ‘no!
Abangan n’yo na lang sa Linggo itong episode nila sa Love Bug para makita natin kung may chemistry ba sila bilang loveteams.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis