PINASOK NA rin nga ng dalagang anak ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na si Athena Bautista ang pag-aartista. Kasama siya sa cast ng Kamkam (Greed) na ipalalabas na sa July 9.
Isa sa mga anak nina Jean Garcia at Allen Dizon ang role na kanyang ginagampanan. At pasado naman sa kanilang director na si Joel Lamangan ang acting niya.
Naunang nag-artista ang younger brother niyang si Harvey Bautista. What made her decide na mag-showbiz din?
“Ako po ‘yong may pangarap talaga na mag-artista. Marami na po akong nagawang school plays. Actually ‘yong brother ko po, taga-Goin’ Bulilit kasi siya, ‘di ba? Na-discover lang siya, pero wala po talaga siyang na-envision. E, ako, no’ng mas bata pa po ako sa kanya na age, talagang ako alam ko na talagang… ay naku, gusto ko po talaga.
“Okey lang naman po sa daddy (Mayor Herbert) ko na mag-artista ako. Sila ng mom ko, they’re very supportive naman. I’ve done a lot of acting workshops since grade school pa.”
And how does she finds showbiz ngayong nag-aartista na siya? “Masaya po. Actually ‘yong iba nagsasabi na… nakakapagod, ganyan-ganyan. E, ako talaga po kasi, gusto ko talaga. Kaya okey lang ‘yon. Okey lang na maaga gigising, gano’n. Okey lang po sa akin.”
Nasa dugo ng mga Bautista ang pagiging artista. Bukod sa kanyang amang si Mayor Hebert na nakilala noon hindi lang bilang komedyante kundi bilang isang versatile actor din, magaling ding artista ang tita niyang si Harlene Bautista.
“Mas gusto ko po na malinya sa drama. Kapag nanonood nga ako ng movies, mas pinapanood ko po ang drama. Kasi pinag-aaralan ko rin kung paano po ipinu-portray ng mga actor ‘yong role nila.”
Athena is seventeen. First year Political Science student siya ngayon sa Ateneo de Manila University. Hindi ba siya mahihirapan na pagsabayin ang pag-aartista at pag-aaral niya?
“Right now naman po kasi, wala pa po akong pasok. So, no’ng ginawa ko naman poi tong Kamkam, bakasyon pa kami sa school. Pero ipa-prioritize ko pa rin po ang pag-aaral ko. Usapan namin ng parents ko… studies first. Studies first talaga. Pasundot-sundot lang ‘yong pag-aartista niya? ‘Pag merong chance o merong offers, okey po. Maisisingit naman ‘yon. Pero priority ko talaga ang studies. Iyon din ang kabilin-bilinan ng dad ko… studies first. Pareho lang sila ng mom ko talaga ng sinasabi sa akin na… o sige, mag-showbiz ka pero talaga studies ang priority.”
Nakaka-presure ba na ang unang director na nakatrabaho niya ay ang award-winning na si Joel Lamangan? “Well… no’ng una po, nakaka-pressure. Pero more than that, I feel blessed po kasi out of all the directors, siya pa ‘yong first na makakatrabaho ko.”
Is she afraid of intrigues which is normal sa showbiz? “Yeah! E, kasama naman po talaga ‘yon. Kapag gusto mong mag-showbiz, kailangang handa ka rin sa mga intriga. Ganyan-ganyan.”
“A… nakakatakot!” tawa ulit ni Athena. “Pero kasama nga talaga po sa showbiz ‘yong intriga.”
May mga naging tanong kami kay Athena hinggil sa maintrigang isyu sa pagitan ng dad niyang si Mayor Herbert at ni Kris Aquino. And she answered it all in a very honest, sincere, and intelligent manner.
‘Yon nga lang, ilang production staff ng Kamkam ang nakisuyo na huwag nang isulat ‘yong mga naging pahayag at saloobin ni Athena kahit wala naman siyang nasabing negative.
Kung sa bagay, mahirap nga naman na madawit pa si Athena sa mga kontrobersiyal at sensitibong usapin na hindi naman siya involved talaga.
“Kami naman po kasi sa pamilya, kung ano po ‘yong pamilya… pamilya lang po,” aniya nga. “I’ll stay strong for my family na lang.”
Ganyan?
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan