KAMAKAILAN LANG, nauso ang Flappy Bird na kinabaliwan talaga ng mga kabataan ng siyang naging rason ng pagpapatanggal ng developer nito sa mga download sites. Kung maaalala n’yo, nagkaroon din ng Pinoy version Flappy Bird, ang Pugo.
Ang kinaibahan lang nito sa Flappy Bird ay ang Pugo puwedeng makakuha ng life habang sa Flappy Bird, isang sagi mo lang, deads agad. Umusbong din ang kasikatan ng 2Fuse na kapag nilalaro natin ito, gustung-gusto nating may sounds para ramdam natin ang tensyon sa pagpipindot ng tamang pattern.
At siyempre, ang uso pa rin ngayon, ang 2048. Ang larong nagpalawak ng ating addition skills. Kung dati-rati hanggang 16 plus 16 equals 32 lang tayo, ngayon umaabot na rin sa 1024 plus 1024 equals 2048. Ito naman kasi talaga ang kinakailangang gawin sa 2048, makuha ang mahiwagang numero na ito. Pero mukhang may humahabol sa trending game apps ngayon! At ito ang Piano Tiles sa iOS o Don’t Tap the White Tile sa Android.
Ang Piano Tile – Don’t Tap the White Tile ay isa na rin sa mga kinagigiliwang laro ng mga bagets ngayon sa kanilang mga Android o Apple phones at tablets. Simple lang namang laruin ito, sundin mo lang ang sinasabi sa pangalan ng laro, “Don’t Tap the White Tile.” Huwag na huwag mong mapipindot ang puting tile. Itim na tile lang ang dapat bigyang-pansin. Kay dali, hindi ba?
Pero mahirap makakuha ng mataas na score dahil isang pagkakamali mo lang, dead ka na. Marami ka namang modes na puwedeng pagpilian. Ito ang mga sumusunod: Classic Mode, Arcade Mode, Rush Mode, Zen Mode at Relay Mode.
Sa Classic Mode, sa loob ng 25 o 50 segundo, dapat matapos mo ‘yung laro nang hindi napipindot ang puting tile. Ang labanan dito ay pabilisan ng oras na matapos ang laro. Sa Arcade Mode naman, wala namang oras na hinahabol dito. Ang kinakailangan mo lang gawin ay paramihan ng itim na tile na mapipindot. Pili ka na lang din kung Normal, Faster o Reverse ang mode ng paglaro mo nito. Sa Rush mode naman, halos kaparehas lang ito ng Classic mode, wala kang oras na hinahabol pero ikaw naman ang inoorasan. Sa Relay mode, paramihan ng itim na tile na mapipindot sa loob ng walo, sampu at labindalawang segundo.
Ang Piano Tile – Don’t Tap the White Tile na single player app ay bagong labas lang sa mga App store at Play store. March 28 nitong taon lamang na ito nai-release pero maraming bagets na ang adik na adik sa larong ito. Siyempre hindi naman magiging posible ang larong ito kung wala ang developer ng mismong laro na si Hu Wen Zeng ng Umoni Studio. Wala pang isang buwan mula sa pagkakalabas nito, katapusan ng Abril, number one trending na ito sa mga bagets!
Kaya sa mga bagets na hindi pa nakaaalam ng bagong trend na ito, humabol na para maging in kayo! I-download ang Piano Tile sa App Store o Don’t Tap the White Tile sa Play Store. Pero paalala lang, dahil pasukan na, hinay-hinay lang din sa paglalaro. Kapag walang pasok o ‘di kaya kapag walang assignment o quiz lang ito laruin.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo