Sa Kabit Nagre-Remit
NOONG MGA unang taon ng pagtatrabaho ng asawa ko sa abroad, regular at maayos ang remittance niya sa amin. Pero nitong nagdaang ilang buwan, maliit at ‘di na regular ang padala niya. Ang balita ko po ay may iba na siyang pinapadalhang babae o kabit dito sa Pilipinas. Madalas ko siyang makausap tungkol dito, pero ikinakaila niya lang ito at medyo may problema raw siya sa kumpanya. Maaari ko po bang sulatan ang kumpanya niya na i-salary deduction na lang ang remittance para sa aming pamilya rito? — Edna ng Hagonoy, Bulacan
MARAMI KANG puwedeng gawin. Pero alamin mo muna kung ano talaga ang problema. Huwag kang magpadalus-dalos dahil baka tsismis lang ang mga nababalitaan mo.
Una muna’y lapitan mo ang ahensiyang nagpaalis sa kanya at banggitin mo ang problema mo. Ang ahensiya ay tiyak na may komunikasyon sa asawa mo at sa employer niya. Baka malaman natin doon ang tunay na problema.
Kung wala pa ring mangyari rito, magtungo ka sa POEA at doon ay maaaring ipatawag ng POEA ang ahensiya para alamin ang tunay na problema. May kapangyarihan ang POEA na disiplinahin ang mga ahensiya lalo pa at lumalabag ang mga ito sa alituntunin tungkol sa mandatory na pagpapadala ng remittance dito.
Kapag kasi dumiretso ka sa kumpanya niya roon ay baka malagay pa sa alanganin ang trabaho ng mister mo roon. Baka lalong mahirap na mawalan ng trabaho ang asawa mo.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo