SA TWITTERWORLD talaga, hindi mo maispeling ang tao. Hindi nagkakaisa ng takbo ng utak. Me mga artistang tumutulong, ‘pag nakikita sa camera ang ginawang pagtulong, ba’t daw kailangang me camera?
Eh, artista, eh. Balita ‘yon, eh? Hindi naman siguro ipinatawag ng artista na ‘yon ang mga media para ikober ang ginawa niyang pagtulong, ‘di ba?
Ilan naman ang nag-tweet sa amin na iba raw si Marvin Agustin, sa kasagsagan ng kalamidad ay nagpo-promote pa sa twitter ng pelikula nina Ogie Alcasid at Eugene Domingo at pati mga pag-aaring restaurant ay ipino-promote pa? Ba’t daw hindi man lang magpakain ng mga flood victims si Marvin using his kitchen sa mga resto?
Kahit kami, ganu’n din naman ang naging feeling namin nu’ng una, eh. Pero Twitter account niya ‘yon, hayaan na lang natin siya kung ano ang gusto niyang i-tweet, ‘no! Hahaha! Malay naman natin kung nag-donate si Marvin, pero hindi na niya itinwit pa, ‘di ba?
NAKAKATAWA ‘YUNG isang aktres na binaha na naman. Na naman, dahil na-Ondoy rin siya nu’ng 2009, kung saan kaliwa’t kanan ang kanyang pagpapainterbyu at ilang beses ding ipinakita ang bahay niyang nalubog sa baha kahit sa subdivision pa siya nakatira.
“Hay, nako, Kuya Ogie. Sa dami nang nag-iinterbyu sa akin, parang kalabtim ko na si Ondoy. Aba eh, paulit-ulit na lang ang tanong tungkol sa kumusta ka na, anong pakiramdam mo, pano ka babangon? Nakakapagod na.”
Eh ngayon, ba’t parang hindi namin siya nakikitang nagpapain-terbyu sa TV eh, balitang for the second time around, kahit lumipat na siya ng bahay ay binaha na naman siya dulot ng hanging habagat?
“Sa totoo lang, ang daming kumokontak sa akin para mainterbyu pero tine-turn down ko. Kasi, ano? Maaalala n’yo akong interbyuhin ‘pag baha ang isyu? Hahahaha! Nako, hindi na, ‘no! Baka hindi ko na maibenta ‘tong bahay ko, dahil mabubugbog na naman sa TV, no! Kaya awat na muna. ‘Yung ibang binaha naman ang interbyuhin nila, ‘wag na muna ako!”
Sa totoo lang, habang kausap namin sa telepono ang aktres na ito ay wala na kaming naging reaksyon, kundi tawa na lang nang tawa.
Pero sa kabila noon, na-realize namin na dapat kaming bumilib sa kanya, dahil hindi siya ‘yung tipong iiyak na lang at susuko sa buhay. Na feeling hindi mahal ng Diyos dahil dinatnan siya ng kalamidad.
“Actually, Kuya Ogie, bago pa tumaas ang baha ay lumikas na kami. Pinatuloy kami ng isang kaibigan naming pastor sa condo unit niya. Hindi naman sa nila-lang ko lang ‘to, ‘no? Pero materyal na bagay lang ‘yan para super ika-depress mo.
“Ang importante sa akin, kumpleto kami ng pamilya ko. Kasi, dati, nasa abroad ang asawa ko nu’ng nalubog kami sa baha. At least, ngayon, nandito ang asawa ko at sama-sama kami.
“Mga Pinoy naman tayo, eh. Kaya pa rin nating makaahon. Hindi tayo basta-basta magpapatalo sa kalamidad.
“Pero wag mo na lang banggitin ang name ko ha? Ibebenta na rin namin to pag humupa na ang isyu sa baha. Pero salamat sa concern, Kuya Ogie. Kaya pa rin namin to.”
HINDI KINAYA ng aming bubong, kaya ilang planggana rin ang nakalatag sa sahig para saluhin ang tubig ulan.
Ay, oo nga pala. Pa-diagonal din ang buhos ng ulan, kaya humaham-pas si Habagat sa salaming bintana ng bahay namin, dahilan para humalik ang tagas sa pader, tumulo hanggang sa sahig naming parang lawanit, kaya gumapang ang tubig sa ilalim ng sahig, kaya ‘pag tinapakan ang sahig ay sumisirit ang tubig.
Bubong at sahig, ipagagawa namin ngayon, pero hindi na para ikalungkot namin porke gastos na naman ang kasunod ng kalamidad na ito. Bagkus thankful pa kami sa Panginoon dahil ‘ yun lang ang nangyari.
Kung magrereklamo pa kami dahil sa nangyari sa bahay namin nu’ng kasagsagan ng habagat ay ano pa ang damdamin ng ibang kababayan namin na inanod na ang bahay at pati kabuhayan ay nalimas at nasa evacuation centers pa ‘yung karamihan hanggang ngayon?
Hindi na kami choosy pa. Lahat tayo ay masuwerte pa ngang matatawag dahil dinaanan tayo ng kalamidad, pero heto, nandito pa rin tayo, umaahon sa pagkakalunod dulot ng habagat.
We’re still blessed dahil buhay pa rin tayo. Ibig sabihin, may misyon pa tayo sa buhay, may mga pagsubok pang pagdaraanan, pero ‘ika nga, sa dulo ng kadiliman, makakakita pa rin tayo ng liwanag.
Amen? Amen!
Oh My G!
by Ogie Diaz