HINDI PA rin makapaniwala si Angel Locsin na napapansin ang kanilang pagkokomedya ng iba’t ibang award-giving bodies. Katunayan, nagwagi ang Toda Max ng Best Comedy Show sa kakatapos lamang na 26th Star Awards for Television ng Philippine Movie Press Club o PMPC.
Sa panayam namin kay Angel sa backstage ng Henry Erwin Lee Theater noong November 18, right after niyang tinanggap ang Best Comedy Show trophy, masaya niyang ikinuwento na isang ‘regalo’ para sa kanilang show ang naturang award. “Ang Toda Max po ay binigyan ng PMPC ng Best Comedy Show na parang very thankful kami, kasi parang happy anniversary ito sa amin. Kasi saktong one year po ng show tapos parang napakagandang regalo na (may) isa pang award.
“Ito po ‘yung pangalawang regalo na natanggap namin ngayong taon sa Toda Max. ‘Yung isa po sa CMMA (Catholic Mass Media Awards) po tapos dito sa Star Awards. Tapos ang saya-saya lang po namin kasi sobrang mahal namin ‘yung show. Hindi namin akalain na maa-appreciate, kasi hindi naman ngayon malakas ang mga comedy shows. Usually mga drama po eh, tapos mapara-ngalan, malaking bagay po talaga.”
Nanalo rin bilang Best Comedy Actor si Robin Padilla at si Pokwang, ka-tie sa Best Comedy Actress ni Rufa Mae Quinto. Kuwento ni Angel, sobrang deserving ang kanyang mga kasamahan sa show sa mga nakuha nilang parangal. “Deserving po talaga, especially si Kuya Binoe kasi alam naman nating magaling siya na actor. Tapos nakakatuwa lang na na-apreciate din siya at nakita rin natin ‘yung talent niya sa pagpapatawa. ‘Yung malambot na side ng isang machong-machong action star na isang Robin Padilla, ‘di ba? And si Ate Pokwang na alam naman nating payaso talaga, kaya well deserved talaga.”
Nominado rin siya bilang Best Comedy Actress pero kahit hindi nanalo ay masaya siya para sa kasamahang si Pokwang. Marami tuloy ang nagsasabing parang nagpo-focus na siya sa comedy. Pero ayon pa sa actress, pansamantala lang ito dahil abala siya sa paggawa ng pelikula. “Hindi naman, nagkataon lang na na-nominate ako, ‘di ko akalain, natuwa ako, hindi ako makapaniwala. Masaya, eh. Hindi ako nagsisi na na-ging part ako ng Toda Max family. Noong una kasi, sabi ko na maniniwala kaya ‘yung tao na magko-comedy ako, kasi lagi nila akong nakikitang umiiyak sa TV o kaya ay may kinakagat, may sinisipa.”
Dagdag pa niya, “Meron naman akong gagawing drama. Pero ngayon kasi gusto ko munang tapusin ‘yung pelikula. Kasi, meron tayong entry na pang filmfest, ‘di ba, yung ‘One More Try’ so medyo nangangarag kami. Kasama namin dito sina Angelica Panganiban, si Dingdong Dantes at saka si Zanjoe Marudo.”
Ngarag man daw sila sa shooting ng pelikula, masaya raw sila sa set. “Okay ‘yung samahan. Actually light ‘yung set namin kahit na mabibigat ‘yung mga eksena namin, pero kung magbiruan kami pati ng staff at mga artsita, napaka-casual. Masaya, actually.
“And iba siya. Siguro iniisip ng mga tao na typical mistress movie, na kasi ngayon nauuso, parang fad ngayon. Pero iba ‘yung istorya namin. Isa siyang modern day family story. Na makaka-relate siguro ‘yung karamihan, kasi medyo iba na eh, medyo nagiging modern na kasi ‘yung mga pamilya ngayon, eh. Perfect siya pang-Pasko.”
Medyo sexy rin kaya siya rito katulad ng mga naunang mistress movie? “Eh, abangan n’yo na lang. Si Direk Ruel Bayani po ang director namin, abangan n’yo na lang po.”
Hindi naman matitiyak ni Angel kung makakapag-out of the country sila ng boyfriend na si Phil Younghusband sa Pasko. “Actually hindi naman dapat pang filmfest ‘yung pelikula namin, kaso nagustuhan nila ‘yung script kaya isinama. Ang priority ko talaga sa December ay kasi ‘yung bestfriend ko ikakasal, uuwi rito sa Pilipinas. Ako ay first time na magmi-maid of honor, so kakarerin ko lang muna.
“Inaayos namin ang mag-out of the country pero ang plano ay mag- dedepende sa uwi ng bestfriend ko. Pero siyempre, kahit saan naman ako, kasama si Phil.”
Sure na ‘to
By Arniel Serato