MAY NAGPAPAABOT SA akin ng tanong para sa mga naghatid ng show sa Boracay sa pamamagitan ng ASAP XV last weekend.
Bakit daw siningil ang mga pumasok ng P100 para sa mga nakatayo lang at P500 naman para sa reserved seats? Sinabi raw na para sa charity ang nasabing fee, pero hindi naman daw nila alam kung anong charity ito.
Hindi raw ba taping ng ASAP XV ang ginanap sa nasabing lugar? Sinisingil din daw ba nila ang mga taong nanonood ng palabas nila sa studio ng entrance fees?
Sa ganang amin, kung ang pinanood ng mga tao roon eh, isang show, malamang na meron ngang ticket na kailangan silang magbayad para sa panonoorin nila.
Pero kung taping naman ‘yun para sa ipalalabas sa TV on the same time slot, p’wedeng walang entrance fee. Unless, gaya rin ng sinabi ng nagtanong na ginawa nila ito dahil may ‘for the benefit of’.
Kung magpapatuloy ng reklamo ang nagpahatid sa amin ng tanong, keep your ticket stubs, para malaman kung nagbayad nga kayo – kung nakatayo kayo o nakaupo.
DAHIL SA AKSIDENTENG nangyari kay Anne Curtis sa isang number niya sa taping niya in Boracay, nakitang mabuti ng mga supporters nila ni Sam Milby kung gaanong pag-aalaga ang hatid sa kanya ng binata, na hindi siya iniwan sa nasabing pagkakataon.
At gaya ng sabi ng SNN (Showbiz News Ngayon) host na si Kuya Boy Abunda, “These accidents happen even to the best of us.”
Kaya ibayong pag-iingat na nga lang daw dapat ang i-observe ng mga performers sa kanilang mga gagawin onstage. It was a wardrobe malfunction. Kaya sa mga gumagawa ng wardrobe, simula ngayon, dapat na siguruhin nilang hindi basta-basta na lang ang pagtahi nila sa mga telang kinakailangang magsugpung-sugpong sa mga katawan ng mga kini-create nilang kasuotan. Buti kung isusuot lang ‘yun at irarampa. Isusuot siya na ginagalaw ang katawan!
High-tech na nga raw tayo sa rami ng gadgets na naglipana. Sa isang iglap, nandyan na ang lahat. Hindi pa ba tayo high-tech sa pananahi? Ilang beses na itong nangyayari. At totoo, kawawa naman ang nagiging biktima sa sari-saring consequences na nagiging bunga ng nasabing aksidente.
SA OPENING NG Mang Inasal franchise nina Mama Fely dela Cruz at katotong Jobert Sucaldito and partners, nakatabi ko sa upuan at nakakuwentuhan ang dilag ni Dra. Vicki Belo na si Cristalle.
Nuknukan na ‘ata ito sa pagiging abala sa pag-aasikaso ng mga bagong line ng mga produkto nila. Pero halatang worried ang Cristalle. Dahil simula na ang summer eh, hindi pa niya nailu-launch ang version ng Belo ng kanilang sunblock. Nakatuon pa ang isip niya sa plinano nilang bakasyon ng kanyang pamilya.
“Magsasama-sama dapat kami in Boracay. Eh, since marami pa akong kailangan ding asikasuhin here in Manila, ang sabi ko, ‘yung mga tao na lang namin ang papuntahin sa Boracay, para rin sa taping ng ilang shows there.
“Ang dream vacation ko talaga is to go to the Maldives. Kasi, sabi nila, malapit na raw itong mag-sink kaya gusto ko naman ma-experience na mag-relax there. Si Mommy, hindi mahilig magbabad sa tubig. Siyempre. Ang gusto nga niya, i-treat na rin doon sina Piolo (Pascual) and Macmac (Mark Bautista). Dahil pare-pareho kaming mahihilig mag-dive. Eh, pareho silang hindi puwede so, kaming buong family na lang ang aalis on March 31. My dad, my brother, Mom and ako.”
Eh, wala namang special someone na isasama si Cristalle kung sakali?
“Naku, kahit na matagal na kami ng boyfriend ko, parang we’re back to zero uli. Kasi, nagkasundo muna kami na makipag-date muna sa iba. We’re super best friends kasi so, there are times na marami pa rin kaming ‘what ifs’ sa mga buhay namin.”
Naku, sabi nga ng katotong Mario Bautista, kung magpapatumpik-tumpik sila sa kung ano talaga ang gusto nila in their relationship, malamang na mas maging magulo pa kung ganyang payag ang isa’t isa na i-open ang mga sarili nila sa pakikipag-date sa iba.
Hindi naman kaya tumandang dalaga ang Cristalle sa pagiging subsob nito sa kanilang business?
The Pillar
by Pilar Mateo