‘DI AKO nababahala sa nangyari kay Pangulong Erap. Ang masamang gawain ay babalik sa gumawa. Ipanatag mo ang loob. Ang liwanag ay laging magtatagumpay laban sa kadiliman. Malumanay na wika ni Dr. Narciso Tolentino, isang top ophthalmologist sa Asian Eye Center. Winika niya ito tatlong araw matapos arestuhin at ikulong ang pangulo nu’ng 2001. Si Dr. Tolentino ay isang matalik na kaibigan ni Erap. Siya ang nag-opera ng maselang katarata ng pangulo. Isa siya sa sampung itinuturing na top ophthalmologists sa buong mundo. Nakabase siya sa New York, ngunit umuwi isang buwan bago makulong ang pangulo.
Dilang anghel ang winika niya. Pagkatapos ng isang dekada, nangyari ang dapat mangyari. Kinalawit ng kuko ng karma ang dating Pangulong GMA na siyang nagpatalsik at nagpakulong kay Erap.
Nu’ng nakaraang linggo, isang kaawa-awa at maysakit na Gloria Arroyo ang ikinulong sa Veterans Memorial Medical Center habang nililitis ang poll sabotage charges laban sa kanya. ‘Di natin alam kung kailan matatapos ang paglilitis. Ang alam natin ay pagdurusahan ni GMA ang kanyang ginawang kataksilan kay Erap. Ngunit iba ang senaryo ngayon. Walang katiting na public sympathy kay GMA. Patung-patong pang non-bailable cases ang inilatag sa kanya. Nu’ng makulong si Erap, halos magrebolusyon ang masa. Kinondena din ng buong mundo ang pangyayari.
Sa kuko ng karma. Nakapangingilabot. Ngunit makapagbibigay ng pag-asa. Pag-asa na ang kabutihan ay laging magtatagumpay laban sa kasamaan. What we sow, we reap. What goes around comes around. Simpleng pilosopiya ng buhay. Mag-abuso ka sa katawan, sakit ang mararamdaman. Lapastanganin ang kalikasan at baha at iba pang kalamidad ang kasunuran.
SAMUT-SAMOT
PAINIT NANG painit na ang mga paghahanda sa 2013 local elections. Sa Pulse Asia at SWS surveys kamakailan, ang nagunguna sa senatoriables ay sina Loren Legarda, Chiz Escudero, Allan Peter Cayetano, JV Ejercito, Jackie Enrile, Dick Gordon, Riza Hontiveros, at Leila de Lima.
Ang listahang ito ay nangangahulugang ang name recall ay decisive factor sa eleksyon. Si Loren at Chiz ay household names. Ganyan din sina Cayetano at Gordon. Subalit nakagugulat ang pagpasok ni Ejercito at Enrile. Si Ejercito ay anak ni Pangulong Erap. Samantala si Enrile ay anak ni Senate President Enrile. Mga new blood at may matinding name recall.
Ang pagpasok ni Ejercito ay nangangahulugan din ng matinding political clout ni Erap. Ganu’n din si Enrile. Marami pang developments ang magaganap. Sa pananaw namin, dalawang slots na lang ang paglalabanan. Napakasikip.
SA PULONG-PULUNGAN Media Forum kamakailan, tinanong si Pangulong Noy ng isang mamamahayag. How is your lovelife? Sagot: Unlike poverty, it is not yet being addressed. Halakhakan ang lahat.
ANO ITONG balita na papalitan diumano ni DOT Secretary Mar Roxas si Executive Secretary Paquito Ochoa? Isa raw paghahanda ito sa binabalak na presidential bid ni Roxas sa 2016. Sa kabilang dako, may balitang si Roxas ay tatakbo na lang bilang congressman para kunin ang speakership sa 2013. Kung ano man ang totoo, talagang desperate for a return fight si Roxas.
SA KASALUKUYANG hidwaan nina P-Noy at Supreme Court Chief Justice Renato Corona, sino ang puwedeng mamagitan? Sa tingin n’yo, nararapat bang ang Simbahan? O isang common friend ng dalawa. Kapag ‘di naayos ang gusot na ‘to, baka lumala pa at magkaroon tayo ng krisis. ‘Di yata maganda ang ganitong sitwasyon. Pasko pa naman at dapat ay magkasundo ang dalawa sa lalong madaling panahon.
NAKIKIDALAMHATI KAMI sa mga kaanak na binitay na OFW kamakailan. Nakahahabag at nakalulungkot. Dapat paigtingin ng gobyerno ang kampanya sa illegal drug smuggling. Isa sa mga solusyon sa walang katapusang problema. Mahigit na 200 pa ang mga Pinoy na nakakulong sa China dahil din sa drug smuggling. 70 sa kanila ay binigyan ng dalawang taong reprieve, 40 ang hinatulan ng habambuhay. Nakaaawang mga Pinoy. Dahil sa kahirapan, kumakapit sa patalim. Imulat ng pamahalaan ang kanyang mata.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez