MAHIGPIT ANG GINAWANG pagbabantay dahil exclusive ang Star Magic Olympics na ginawa kamakailan sa Quezon City pero marami pa ring “outsider” ang nakapag-interview at nakakuha ng video, kaya ganu’n na lang ang pagpuputok ng butse ng ilang taga-ABS-CBN.
Sa totoo lang, may karapatan talaga ang mga taga-ABS na “ ipagdamot” ang kanilang event. Pero dapat din nilang isipin na kung meron mang mediamen na nagtatangkang “makiamot” ay trabaho lang at walang personalan.
Mas hahangaan at tunay na mamahalin ang ABS ng sambayanang Pilipino kung alam nating lahat na bukas ang kanilang mga palad sa mga fans at mediamen na nais “makiisa” sa kanilang kasiyahan.
Hindi lang ang ABS, maging ang Channel 7 ay naglagay na rin ng boundary sa kanilang mga artista. Hindi na rin puwedeng magpa-interbyu ang ito nang walang pahintulot mula sa GMA Artist Center.
At sa ginagawang pagdadamot ng dalawang higanteng TV network, nararamdaman ng mga manonood na bakit sila tututok sa mga istasyong hindi mo mararamdamang ikaw ay kapamilya o kapuso, at iyon ang dahilan kung bakit ang mga programang Talentadong Pinoy ni Ryan Agoncillo at Face to Face ni Amy Perez ang nanguna sa nakaraang Weekend Survey.
BUONG-PUSONG TINANGGAP NG mga Padilla si Mariel Rodriguez bilang bahagi ng kanilang pamilya matapos na ito ay pakasalan ni Robin Padilla sa India kamakailan. Ang katuwiran ng magkakapatid na Rowena, Rema at Romel Padilla, kung saan masaya si Binoe ay susuporta sila.
Maging si Mommy Eva Carino Padilla, nagsabi rin sa Pinoy Parazzi na magaan ang loob niya kay Mariel. Pero hindi raw iyon nangangahulugan na masaya siya sa ginawang pakikipaghiwalay ni Binoe kay Leizel Sicangco.
“Alam mo, naging mabait si Leizel sa akin at kung anuman ang naging desisyon ng anak kong si Robin, siya lang ang nakaaalam. At kung ano man ang kanyang ikaliligaya, kasiyahan ko na rin bilang ina,” sambit ni Mommy Eva.
Kumpirmado at tuloy na sa December 25 ang pagpapakasal nina Robin at Mariel, at ayon kay Mommy Eva, wala siyang nakikitang dahilan para tumutol pa siya sa planong pagpapakasal ng kanyang anak.
“Kasal na sila sa India, e, ano pa ang dapat kong ikatutol du’n, ‘di ba? Alam kong masaya si Robin at bilang ina, masayang-masaya ako para sa kanya.”
Babae ang gustong maging apo ni Mommy Eva kay Mariel. “Ako ang nagbigay ng pangalang Queenie kay Queenie, ‘di ba? At kung ako ang masusunod uli, ang gusto kong maging pangalan ng anak nina Robin at Mariel ay Princess Diana. ‘Yun ang bagay sa kanya.”
Sa kabuuan, sinabi naman ni Mariel na wala siyang nararamdamang pagsisisi sa kanyang naging desisyon sa pagpapakasal kay Robin, dahil naramdaman daw niya ang katapatan at pagmamahal nito na hindi niya naramdaman sa kahit na sinong lalaking kanyang minahal.
MAY DAHILAN SI Rosanna Roces kung bakit nakipaghiwalay ito sa non-showbiz boyfriend niya. Una at higit sa lahat ay napapabayaan na niya nang husto ang showbiz career niya nang dahil sa pag-ibig. “Luka-luka kasi ang lola mo, Morly. ‘Pag nai-in love, ayokong magtrabaho,” tumatawang sabi sa amin ni Osang.
Ayon kay Rosanna, kung anuman ang kanyang naging desisyon ay paninindigan niya iyon at wala siyang mararamdamang pagsisisi.
“Anak ng putsa, ang dami-dami ko nang mabibigat na desisyong nagawa, pero may pagsisisi ba ako? Wala. Kasi ako ‘yung tao na kung anuman ang mga nagawa at nasabi ko ay pinaninindigan ko.”
Sa ngayon ay madalang pa ang project ni Osang, pero naniniwala ang dating sexy actress na muli siyang makababalik sa kung saan man siya naroon noon.
“Naniniwala kasi ako, Morly, na kapag may talent ka, kahit anong mangyari lalabas at lalabas ang talent mo. At hindi ka mawawala,” pagwawakas ni Osang sa Pinoy
More Luck
by Morly Alinio