AKO PO AY nag-apply sa isang ahensiya para makapagtrabaho sa abroad. At matapos ang mahabang paghihintay, sa wakas ay na-isyuhan na rin ako ng overseas employment certificate. Ako po ay nag-aalala dahil nakalipas na po ang tatlong linggo ay hindi pa rin ako nakakabiyahe. Wala po bang takdang panahon para maobliga ang recruiter ko na ako ay mai-deploy agad? — Serge ng Tanauan City
AYON SA UMIIRAL na alituntunin, ang isang manggagawa, siya man ay land-based o sea-based, ay kaila-ngang paalisin ng kanyang ahensiya sa loob ng 60 araw matapos na siya ay maisyuhan ng overseas employment certificate.
Ngunit iba-iba ang dahilan kung bakit hindi naka-kabiyahe ang isang OFW. Kung ang ‘di niya pag-alis ay kasalanan niya, siya ay sisingilin ng ahensiya sa mga nagastos nito noong pinoproseso ang kanyang mga papeles. Siyempre pa, ang claim na ito ng ahensiya ay dapat suportado ng mga resibo.
Kung kasalanan naman ng ahensiya ang di-pag-alis ng isang OFW, maaari itong ipagsumbong at asuntuhin sa POEA. Mababawi rin ng aplikante ang mga ibinayad niyang mga fees sa ahensiya noong pino-process pa ang kanyang mga papeles.
Tungkulin ng ahensiya na mag-ulat sa POEA kung hindi nakaalis ang OFW at ang mga dahilan kung bakit hindi ito natuloy. Kailan isasagawa ng ahensiya ang pag-uulat? Ang ahensiya ay magre-report sa POEA matapos ang takdang 60 araw na ‘di napaalis ang OFW. Mayroong 30 araw ang ahensiya para ihanda ang kanyang report mula sa huling araw ng lumipas na 60 araw.
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo