NAKABALIK NA SA bansa si Bb. Pilipinas-International 2010 na si Krista Kleiner o mas kilala bilang si Krissa Mae. Lunes ng madaling-araw nang dumating siya at mismong ang boyfriend niyang si JayR pa nga umano ang sumundo sa kanya sa airport.
Marami nga ang nagulat nang mamataan silang magkasamang nagtungo sa Quirino Grandstand kung saan naganap ang malagim na hostage drama na ikinamatay ng walong turista mula sa Hong Kong. Kitang-kita nga raw ng mga taong nasa paligid nila kung paano naging emosyonal itong si Krissa Mae nang mag-alay ng panalangin at mga bulaklak para sa mga naging biktima ng nasabing trahedya.
Nasa Amerika umano ang dalaga nang mangyari ang hostage drama. At dahil sa madugong kinahinatnan nito, may mga kaibigan nga umano siyang natatakot nang magbakasyon sa Pilipinas. Hindi rin daw ma-imagine ng actress-beauty queen kung gaano kahirap at kasakit ang sitwasyong pinagdaranan sa ngayon ng pamilya ng mga napatay at naging biktima ng nabanggit na insidente.
Bagaman hindi lahat ng Hong Kong nationals o ng Chinese community na kumukundena sa nangyari ay galit sa mga Pilipino, nag-aalala pa rin daw si Krissa Mae sa posibleng maging epekto nito sa nalalapit niyang pagku-compete sa Miss International pageant na gaganapin sa China.
Batid umano niya ang pagdadalamhati at kalungkutang nararamdaman ng Chinese people sa sinapit ng kanilang mga kalahi sa nangyaring hostage drama. Umaasa raw siyang mauunawaan ng lahat na isa lamang isolated case ang nangyari. At ang mga Pilipino ay hindi naman nga raw masasamang tao.
Shocked din daw si Krissa Mae nang mabalitaan ang biglaang pagkamatay ni Bb. Pilipinas-International 2009 Melody Gersbach sa isang fatal car accident sa Bula, Camarines Sur more than a week ago. Aniya, gusto umano niyang ialay sa yumaong beauty queen ang kanyang paglaban sa Miss International.
Hindi man daw sila nagkaroon ng chance na maging close as friends, ramdam umano niya ang koneksiyon nila sa isa’t isa dahil sa kanya nga raw nito ipinasa ang titulo at korona bilang Bb. Pilipinas-International. Natatandaan pa nga raw niya that very moment that she was being crowned by Melody, niyakap pa raw siya nito. At that gave her the feeling daw na may connect siya rito.
Tungkol naman sa pagkakapanalong 4th runner-up ni Maria Venus Raj sa katatapos na Miss Universe pageant, happy raw si Krissa Mae para sa Bicolanang beauty queen. Hindi raw dagdag pressure ito sa kanya na kailangang maging runner-up din siya kundi man niya makuha ang Miss International crown. Ang tanging nararamdam umano niya ngayon ay mas nai-inspire daw siya ngayon na ibigay ang kanyang one hundred percent sa paglaban sa nasabing pageant.
And speaking of the recently concluded Miss Universe pageant, usap-usapan ang sinasabing pagpunta roon ni Krissa Mae para manood. Naloka raw kasi ang ibang naroon sa Mandalay Resort & Casino (na venue ng Miss U 2010) when she appeared nang bonggang-bongga nga raw roon wearing her crown and sash as Bb. Pilipinas-Internatonal 2010.
May ganyan?
Ano naman ang masama? Baka type lang ni Krissa Mae na mai-promote din ang Miss International pageant habang nanonood siya ng Miss Universe. At saka karapatan niya naman kung gustuhin man niyang isuot ang kanyang crown and sash saan man siya magpunta.
Naman!
AT LEAST, NABIGYANG-LINAW ni James Yap sa interview sa kanya ng Showbiz Central na kinikilala rin niya ang kanyang anak sa ibang babae bago pa sila ikinasal ni Kris Aquino at dumating nga sa buhay nilang mag-asawa si Baby James. Tahimik na raw kasi ang buhay ng mga ito na ayaw na lang niyang madamay pa umano sa gulong pinagdaranan niya ngayon.
Masaya na raw ang nasabing girl na ngayo’y may anak na rin sa napangasawa nito. Nagpapasalamat daw nga siya rito sa pagiging disente na hindi na nakisawsaw pa sa sitwasyong kinakaharap niya ngayon. Darating din daw ang tamang panahon na magkakausap sila tungkol sa anak niya rito.
Kung wala pa kayang asawa ang babaeng unang nabuntis niya, babalikan kaya niya ito? Nagsisisi kaya si James na mas pinili niya si Kris na pakasalan kesa sa nasabing girl?
Kasi’y kung ito ang kanyang nakatuluyan, baka naging masaya at matibay ang kanilang pagsasama dahil siyempre magiging private ang pagsasama nila bilang mag-asawa. Hindi ‘yong bawat nangyayari ay naka-broadcast sa publiko.
‘Yon na!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan