UMALINGAWNGAW SA showbizlandia ang reklamo ng dalawang kasambahay ng Diamond star na si Maricel Soriano. Inakusahan ng dalawang kasambahay na sina May Cachuela, 22, at Camille Acojedo, 18, si Marya ng pagmamaltrato diumano sa kanila.
Kumalat ang nasabing isyu nang dumulog sa tanggapan ng radio commentator na si Mon Tulfo ang mga dating kasambahay ni Marya, na diumano’y dumanas ng verbal at physical abuse mula raw sa kanilang amo. Noong June 18 lang daw namasukan ang dalawa sa pamamahay ng magaling na aktres sa Rockwell, Makati City, kung saan nakatira rin ang anak nito na si Sebastien kasama ang dalawa pang kasambahay.
Ang mga masasamang salita raw na ibinabato ng aktres, pagkulong sa kuwarto at ang paninipa sa isa sa kanila ang nakaapekto nang husto sa mga biktima. Umabot din daw sa puntong muntik nang maglabas ng baril si Maricel.
Pinaratangan naman ng assistant ng aktres na si Inday Castillo ang dalawang kasambahay ng pagnanakaw na mariing pinabulaanan ni Cachuela.
Sa kabi-kabilang paratang ng mga kasambahay, nanatiling tahimik ang aktres at hindi sumipot sa mga hearing ng kanyang kaso.
Hindi rin naman nagtagal eh, ipinagtanggol na ng Diamond Star ang kanyang sarili laban sa isyung kinasasangkutan niya laban sa dalawang kasambahay niya. Sa counter-affidavit ni Maricel, sinabi nitong wala siyang kasalanan. Aniya pa, ang kanyang karapatang-pantao ay nalabag pa raw dahil sa hindi fair na pagtitimbang ng kaso. Aniya, isinampa raw ito para takutin at perahan siya.
Sey pa ni Marya, wala aniyang medical certificate na magpapatunay na sinipa niya ang isa sa mga katulong. Inako ng aktres ang pagmumura pero normal lang daw ito sa isang taong nagagalit, lalo’t nakita niya umano ang isa sa mga ito na ginagalaw ang kanyang pitaka.
Itinanggi ng aktres na kinulong niya ang dalawang katulong dahil hindi nasususian ang kanilang kuwarto. Higit sa lahat, pinabulaanan din niya ang bintang na nagbanta siyang tutukan ng baril ang mga ito dahil wala siyang baril sa bahay.
Hindi nga muling nakasipot si Maricel sa itinakdang hearing noong October 3 kaugnay ng mga reklamong isinampa nina Cachuela at Acojedo.
Kung saan hahantong ang legal na usaping ito, hintayin na lang natin ang mga mangyayari.
Parazzi Chikka
Parazzi News Service