KAHIT NA anong paninira sa relasyon nila ni Dingdong Dantes, mas pinaniniwalaan pa rin daw ni Marian ang boyfriend/actor kaysa patulan ang naglalabasang tsismis na ini-link sa iba ang minamahal at kesyo iiwanan din daw siya ni Dong.
“Ipagtitirik ko na lang ng kandila ang mga taong gumagawa ng tsismis upang sirain ang relasyon namin ni Dingdong. Mas naniniwala ako sa mayroon kami ni Dong. Naniniwala ako kay Dong kung gaano niya ako kamahal.
“Kung may tagagawa ng once a week issue… Ay, nakakaawa naman sila! Hindi nila nakikita ang ibig sabihin ng buhay kung ang bawat tao ay sinisiraan nila sa maligayang relasyon.
“So, ipagtitirik na lang natin sila ng kandila para sabihin nating God bless!” pahayag ni Marian.
Ipagdarasal na lang daw ni Marian ang mga ito na maliwanagan balang araw. Okey lang daw na gamitin siya at ayaw na raw niyang magalit.
“Ang mga artista naman ay laging may intriga, ‘di ba? Ganyan talaga ang buhay ng artista. Pumasok ka sa showbiz, alam mo ang consequences niyan!” dagdag pa ni Marian.
Tungkol naman sa surprise na pagdating niya sa premiere night ng Tiktik: The Aswang Choronicle last Monday sa Cinema 9 ng Megamall, bilang suporta raw iyon sa boyfriend na si Dingdong, pero ‘di niya nagawang matapos ang kabuuan ng movie. Panonoorin na lang daw nilang dalawa ni Dong ang movie kapag pareho na silang ‘di busy.
HINDI ITINATAGO ni Rufa Mae Quinto na maraming nanligaw sa kanya pero nauuwi lang daw ito sa pagkakaibigan tulad ng nangyari raw sa kanila ni Boy 2 Quizon.
“Marami sila (manliligaw) pero talagang conservative pa rin ang umiiral sa akin. Gusto ko pa rin na kung manliligaw ka ay dumalaw sa bahay. Hinahanap ko ‘yung manliligaw ka sa bahay at hindi ‘yung kung saan lang kayo magkita or sa taping or text lang,” natatawang say Rufa nang makausap namin sa taping ng Bubble Gang na magse-celebrate ng kanilang 17th anniversary.
Sabi pa ni Rufa Mae, ngayon pa lang daw siya nagpapakasaya sa sarili dahil nasa maayos na ang kanyang pamilya.
Magmula kasi nang pasukin ni Peachy (tunay na pangalan niya) ang showbiz, kapakanan ng pamilya ang iniisip. Ngayon nasa maayos na kalagayan na raw ang pamilya kaya ngayon pa lang daw niya ini-enjoy ang sariling kaligayahan.
May itinayong resto and bar si Rufa Mae sa may Roces at this time ay siya lang ang showbiz owner ng resto dahil ayaw na niyang maging kasosyo ang kapwa artista.
Mahirap daw kasi ‘pag kapwa artista ang kasosyo dahil ‘di masyadong natututukan ang kanilang itatayong business. Lagi kasi silang busy sa kanilang project.
Ang resto and bar ay tinawag niyang “Dragon Bistro” at nangako na mangungumbida siya ng press sa grand opening nito.
Lovelife? Masaya raw siya kahit walang lovelife. Nandiyan naman daw ang mga kaibigan sa Bubble Gang na parang kapatid na rin daw ang turingan nila.
Mantakin mo na teenager pa lang daw siya nang mapasama sa Bubble Gang, ngayon magse-celebrate ng 17th year ang kanilang gag show na napapanood every Friday sa GMA 7 ay ganap na siyang dalaga.
Sabi pa ni Rufa Mae, kaaliw at siguradong mag-e-enjoy ang televiewers sa mga inihanda nilang episode sa Friday para sa kanilang 17th anniversary ng BG.
TINUTUKAN NG televiewers ang bagong primetime teleserye nina Kim Chiu at Maja Salvador na Ina, Kapatid, Anak sa ABS CBN. Base sa datos ng Kantar Media last Friday (Oct, 12) kung saan naipakita na ang paglaki ng mga bida na sina Celyn (Kim) at Margaux (Maja), nasa Top 4 most-watched TV program nationwide ang serye na may 27% national rating.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo