MAKALIPAS ANG isang linggo, matapos ang malagim na pagkawasak ng mga tahanan sa Basey, Samar, muling nagsimulang buma-ngon ang mga tao rito para mabuhay nang normal. Ang Basey ang isa sa pinakamatinding tinamaan ng bagyong Yolanda.
Maririnig na umano ang u-maalingawngaw na tunog ng mga pagpukpok ng martilyo at pagputol ng mga kahoy na maaari pang mapakinabangan upang maitayo muli ang mga kabahayan dito. Sa kabila ng pagkawasak ng lahat dito ay patuloy na umaasa ang mga tao na malalampasan nila ang lahat ng ito.
Nitong mga nakaraang araw ay nabasa ko sa isang pahayagan ang kuwento ng tatlong taong nagsisikap na makabangon matapos maapektuhan ang buhay ng kani-kanilang mga pamilya ng delubyo na dala ng bagyong Yolanda. Ang mga kuwentong ito ang nais kong maging inspirasyon sa artikulong ito.
SI ROSITO Mensones, 57, ay isang mangingisda sa bayan na ito. Hindi umano siya aalis sa Basey sapagkat dito siya kumukuha ng kanilang ikinabubuhay. Sinisikap niyang itayo muli ang kanilang bahay na nawasak gamit ang mga reta-retasong kahoy na dinala ng alon sa kanilang lugar.
Hanggang sa kasalukuyan ay umaasa pa rin si Rosito na mararating sila ng tulong mula sa ating pamahalaan. Wala umano silang pera o kahit anong makakain na makapagtatawid sa kanila sa mga darating pang mga araw.
Si Bienvenido Yancha, 62, ay dito na sa Basey lumaki at halos buong buhay niya ay hindi siya nakaranas ng ganitong tindi ng hangin at alon. Hindi umano ipinaliwanag sa kanila ng gobyerno ang maaaring lakas na dulot ng “storm surge”.
Galit ang mga residente sa pamahalaan dahil nagkulang umano ito sa pagpapaliwanag at pag alarma sa kanila. Marami rin sa kanila ang nag-akalang isang “tsunami” ang tumama sa kanila dahil umatras umano ang tubig sa pampang nang may kalahating kilometro, bago ito bumalik nang may taas lagpas sa dalawang palapag ng gusali.
Gaya ni Rosito, naghihintay pa rin si Bienvenido ng tulong mula sa gobyerno para muli silang makapagsimula sa Basey, Samar.
Si Beatriz Esquirdo, 50, ay isang high school principal sa Salcedo, Eastern Samar. Naglakas-loob na si Beatriz na makisakay sa U.S. Air Force C-130 cargo plane upang makarating ng Maynila at humingi ng tulong sa mga kamag-anak.
Wasak ang kanilang kongkretong bahay at kasama ring nasira ang kanilang lapu-lapu fish farm na pinakukuhanan niya ng dagdag kita bilang isang guro. Mabagal umano ang tulong ng gobyerno sa kanilang lugar at baka mamatay na sila sa gutom at sakit kung hihintayin pa niyang makarating ang mga tulong galing sa pamahalaan.
SINA BEATRIZ, Rosito at Bienvenido ay tatlo lamang sa maraming biktima ng bagyong Yolanda sa Samar na nagnanais makabangon mula sa matinding trahedyang dumating sa kanila. Pare-pareho ang kanilang hinaing sa kakapusan ng tulong mula sa ating gobyerno. Lahat din sila ay patuloy na umaasa sa tulong na ito ng ating pamahalaan.
Dapat ay magkaroon ng kongkretong tulong ang ating gobyerno sa mga sinalanta ng bagyo at hindi lamang makontento sa pagrepake ng mga pagkain at tubig. Masyadong mabagal ang pagpaplano ng gobyerno at paggawa ng kongkretong aksyon para muling makapagsimula ang mga kababayan nating naapektuhan.
Dapat ang mas kongkretong aksyon gaya ng pagpapadala ng mga taong tutulong kina Beatriz, Rosito at Bienvenido na maitayo muli ang kanila tahanan. Magdala ng mga materyales gaya ng mga pako, kahoy, bakal at semento na kakailanganin nila.
Ang problema ay nagpapakalunod ang ating gobyerno sa kaisipang “napakalaki ang pinsala at hindi nila alam kung saan at paano magsisimula.” Mr President, nakapagsimula nang bumangon ang mga ordinaryong taong apektado, nasaan na po ang tulong ng gobyerno?
Shooting Range
Raffy Tulfo