SA PAG-AARAL NG psychology, ang rationalization o pagbibigay-katwiran ay isang uri ng defense mechanism. May dalawang uri ito: ang ‘sweet lemon’ at ang ‘sour grape’.
Ang unang uri ang ginagamit na paraan na lang ng isang dating sikat na sexy star para bigyang-katwiran ang kinasasadlakan niyang buhay ngayon, malayung-malayo noong nasa alapaap siya ng tagumpay.
Ilang beses nang napaulat na ultimo pambayad ng kuryente’t tubig ay hirap niyang maitawid, bagay na hindi naman niya ikinahihiyang aminin.
Maging sa aspeto ng kanyang buhay-pag-ibig ay sablay rin ang dating tanyag na aktres. Malas na ang huli raw niyang nakarelasyon, bukod sa abot-abot ang sakit ng kalooban ang dinanas niya ay may bonus pang pisikal na pananakit.
Hikahos. Kulang na lang ay ito ang gamiting salita ng hitad to best describe the kind of life that she now lives. Pero masaya raw siya, hindi raw tulad noong nakahiga siya sa pera, pero may bisyo naman siya’t may kung anong vacuum sa buhay niya. Ayokong isipin na inaani lang ngayon ng hitad kung ano ang kanyang itinanim. Maraming bagay, kasama na pati mga tao, ang hindi niya pinahalagahan noon.
Malinaw pa sa aking memorya ang eksenang ito noon, sa studio na ‘yon ng kanyang dating lingguhang TV show. Bukod kasi sa tinatanggap niyang malaking talent fee, package deal pa ang kanyang kinakasama na nasa payroll din. Hiwalay ito sa limang libong pisong padamit linggu-linggo, na iniaabot sa kanya bago magsimula ang programa.
Nang lumanding na sa kanyang palad ang five thou cash, pabiro niyang sinabi: “Ano ba ‘yan, pera na naman?!” sabay inihagis patalikod ang bungkos na pera.
Sa pag-aaral ng elementary science, itinuro sa atin ang living things at non-living things. Ang datung, non-living thing. Ang hindi nga lang yata napag-aralan ng ating bida, wala mang buhay o pakiramdam ang salapi, marunong din itong magtampo.
Kaya ang ending… kanta ni Boy George!
(Ronnie Carrasco)