MAINIT PA ring pinag-uusapan sa ngayon itong gulo nina Mon Tulfo at ng mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto.
Umabot na sa korte, at nu’ng nakaraang Miyerkules nga ay nagkaroon na pala ng hearing sa QC-RTC ng Petition to Writ of Amparo o Temporary Protection Order na hiningi ng mag-asawang Raymart at Claudine.
Ginawa itong hearing sa sala ni Judge Bayani Vargas ng Branch 219 ng QC-RTC na dinesisyunan agad na kailangang dinggin na raw ang kaso dahil kailangan na raw ito ng mag-asawa.
Kaso ito laban sa magkakapatid na Erwin, Raffy at Ben Tulfo dahil sa mga sinabi nila sa programa nilang T3 sa TV5. Pinigilan pa nga ito ng abogado ni Erwin pero, walang nangyari dahil may urgency raw ang petition na ito ng mag-asawa.
Si Claudine lang ang dumalo sa hearing dahil may taping daw si Raymart. Sinamahan si Claudine ng mga magulang niyang sina Miguel at Inday Baretto dahil natatakot daw itong lumabas na wala siyang kasama.
Kasama naman nito ang mga abogado niya, pero mas kampante raw si Claudine kapag may miyembro ng pamilya na kasama niya.
Nakita ko nga sa TV na parang ang hina pa ng Daddy ni Claudine, dahil kagagaling lang pala nu’n sa operasyon dahil sa sakit niya sa puso.
Mapapanood n’yo sa Startalk ang ilang eksena du’n sa hearing, kung saan iyak nang iyak daw si Claudine. Natatakot daw siya tuwing lumalabas sila ng bahay dahil naniniwala raw silang kayang gawin ng magkakapatid na Tulfo ang mga sinabi nila sa programa.
Siyempre, tinutulan ito ng abogado ni Erwin dahil walang threat daw na nangyari at hindi naman daw ganu’n ang kliyente niya.
Sabi pa ni Claudine, kapag nasa labas daw si Raymart o kahit nasa taping lang ito, dasal daw siya nang dasal na sana makauwi raw ang asawa niya na safe. Siyempre, bongga ang dating nu’n, ‘di ba?
Pinanood pa nga du’n sa hearing ang episode na ‘yun sa T3, kung saan nakuha nila ang kopya sa MTRCB. Kaya nasa husgado na ‘yan kung bibigyan nga nila ng Temporary Protection Order sina Raymart, Claudine at ang buong pamilya nito.
Naglabas na rin pala ng statement ang mga abogado ng mag-asawa na magbibigay raw sila ng pabuya sa kung sino man ang makapagbigay ng video ng kabuuang nangyari du’n sa airport.
Hindi ko alam kung magkano, basta nag-ambag-ambag daw ang mga kaibigan ng mag-asawa para lumabas lang daw ang katotohanan. Gusto lang daw nilang makita ng lahat kung sino talaga ang nanguna sa pananakit.
Iyong kumakalat kasi ngayon sa internet ay ‘yung huling bahagi lang ng gulong ‘yun, kung saan kinuyog na si Mon ng grupo nina Raymart at Claudine.
Hindi kaya maka-Tulfo ‘yung nagkalat ng video na ‘yun, kaya hindi na pinalabas ang unang part ng gulo?
Hay, naku! Matagal pa ang tatakbuhin ng gulong ito. Mag-dedemandahan pa ang mga ‘yan, at tingin ko diyan, mahirap na silang pag-ayusin.
Sa totoo lang, kay Raymart ang simpatiya ng karamihan, at ang sinisisi nila, si Claudine, ha!
Kung ‘di niya tinalakan nang bonggang-bongga ang taga-Cebu Pacific, hindi na umabot sa ganu’ng gulo.
Pero siguro ang dapat unahin diyan, ang Cebu Pacific na sirang-sira na sila rito dahil ang dami naman talagang reklamo na sa ‘di magandang service nila.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis