Sa pagkalat ng malalaswang litrato ni Marjorie Barretto
Julia Barretto, bilib sa tatag ng ina

“MY MOM is okay, she’s a strong woman, there’s nothing to worry about, grabe her strength,” heto ang naging sagot sa amin ni Julia Barretto nang kumustahin namin sa kanya ang inang si Marjorie Barretto na nahaharap ngayon sa isang malaking kontrobersiya dahil sa mga malalaswang larawan na kumalat sa internet kamakailan.

Tinanong namin kung nagbigay ba ng eksplenasyon sa kanilang magkakapatid ang ina tungkol dito, ayon kay Julia ay hindi na kinakailangang magpaliwanag sa kanila ang ina dahil malalaki na silang magkakapatid at naiintindihan na nila ang mga bagay-bagay.

Positibo rin na malalagpasan ng pamilya nila, para kay Julia, lahat ng nangyayari ay may dahilan at sa bandang huli ay may maganda ring kapupuntahan ang lahat. Buo rin ang suportang ibinibigay ni Julia kay Marjorie kung saan laging pinagdarasal ang ina at pinararamdam dito na lagi lang siyang nasa tabi nito. Sa darating na Mother’s Day, bukod sa isang bouquet ng mga bulaklak na ireregalo sa ina, isa ring bagay na matagal nang gusto nito ang ibibigay nilang magkakapatid.

Sa kabila ng mga gulo at kontrobersiya na nangyayari sa ngayon sa mga Barretto, para kay Julia, ang pamilya ay pamilya pa rin sa kabila nang wala na silang komunikasyon sa ngayon ng tiyahing si Claudine Barretto. Close noon si Julia kay Claudine dahil isa ito sa nagpalaki sa kanya. Ikinuwento ng batang aktres na lahat naman sila ay baby ng mga ito kaya alagang-alaga sila, lahat sila close gaya ng tipikal na tita-pamangkin bonding.

Aminadong malaking tulong ang pagiging isang Barretto para madali sa kanya ang makapasok sa showbizness, pero naniniwala si Julia na kailangan ng talento, ng husay at dedikasyon sa trabaho para magtagal at makagawa ng sariling pangalan sa showbizness.

SA PRESSCON ng I-Vice Ganda Mo Ako sa Araneta na gaganapin sa darating na May 17, agad na hiningan ng reaksyon si Vice sa kuwentong lumalabas na pressure siya sa tagumpay ng nakaraang concert ni Daniel Padilla sa Araneta at nakapagbitaw raw siya ng salita na hindi sila dapat ikumpara ng young actor, dahil ‘di sila magka-level.

Ayon sa komedyante, hindi siya napi-pressure sa tagumpay ng concert ni Daniel na isa nga sa guest niya sa kanyang concert, kundi ang sinabi lang niya ay hindi sila magkakumpetensiya ng young actor. Ang nakaka-pressure sa kanya ay mahirap ang buhay ngayon, may dalawang choices ang mga tao kung ano ang papanoorin at marami sa mga follower niya ang follower din ni Daniel, kaya akala niya ay mahahati na hindi naman nangyari.

Nagpakatotoo namang inamin na kinakabahan siya na baka hindi gaanong kumita ang kanyang concert kung kaya’t personal siyang nagbenta sa Araneta ng mga ticket. Isa rin itong paraan ng pagbabalik ni Vice sa mga tagahanga niya at nanonood talaga ng concerts niya para personal siyang makita ng mga ito, makapagpa-picture, siya mismo ang magbigay ng tickets at magbigay ng sukli kung saan nakapagbenta siya ng P500,000 sa halos 3 oras niya sa Araneta.

Special guests sina Ms. Regine Velasquez, Ai-Ai delas Alas, Enrique Gil, Paulo Avelino, Daniel Padilla at Dawn Zulueta, ayon kay Vice ay bonggang-bongga ang opening number niya at talagang pinaghandaan niya ang mga pasabog na gagawin niya sa gabing iyon.

 Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA

Previous articlePiolo Pascual, may binatang scholar sa College of Saint Benilde!
Next articleKim Chiu at Maja Salvador, nag-isnaban sa event ng Dos?!

No posts to display