MARAMI ANG BUMILIB sa ipinakitang sportsmanship ni Senator Manny Villar nang sa maikling press conference na ipinatawag niya kahapon ng tanghali ay nagpahayag siya ng pagtanggap ng kanyang pagkatalo sa Presidential race. Although hindi pa tapos ang bilangan, malaki na kasi ang lamang ni Senator Noynoy Aquino. Pumapangalawa si dating Pangulong Erap Estrada at nasa ikatlong puwesto nga lang siya.
Abut-abot ang pasasalamat ni Villar sa mga sumuporta sa kanya. Hindi man daw siya pinalad na maging Pangulo, ipagpapatuloy pa rin daw niya ang kanyang adhikaing tapusin ang kahirapan sa sarili niyang pamamaraan.
Sa isang banda, hindi naman siya nanalong Pangulo, panalo sa mga bata ang campaign jingle niya na paboritong kantahin ng mga ito. Hindi lang si Baby James na anak ni Kris Aquino at pamangkin ni Noynoy ang paboritong kantahin ang jingle niya kundi maging ang mga anak din ni Ruffa Gutierrez na sina Lorin at Venice, ito rin ang kinakanta last time nang mapasyal sila sa taping ng Paparazzi last Sunday.
Panalo rin siyang Darling of the Press sa chosen 30 movie reporters (15 sa kampo ni Willie at 15 naman sa panig ng kanyang publicist) na balitang kumita nang malaki sa panahong sumasama ang mga ito sa kampanya niya. Winner na winner daw talaga dahil 5 thousand ang give sa Metro Manila, ten thousand pataas naman kapag out of town campaigns.
Iba pa raw ang galing kay Willie. Eh, ang daming araw na sinakop ang buong campaign period. Kaya waging-wagi talaga ang 30 movie press na ito, huh!
‘Yon nga lang, lahat daw ba sa mga ito ay si Villar ang ibinoto? Kasi may iba raw sa mga ito na dyumu-join din sa campaign rallies ng ibang Presidentiables.
May nagtatanong din, sa mahigit 200 (or more pa) na bilang ng movie press, bakit 30 lang daw ang kinuha ng kampo ni Manny Villar? The more, the merrier daw sana.
May ganyan?
DAHIL TALO SA pagka-presidente, may mga nagtatanong kung mababawasan na raw ba ngayon ang kayabangan ni Willie Revillame na siyang pangunahing celebrity endorser sa kandidatura ni Villar. Sa panahon kasi ng kampanya, marami ang nao-off sa lakas ng arrive ng TV host.
Kahit sa ABS-CBN, nagugulat ang mga nakakakita sa sangrekwang pulis na body guard niya. Parang laging may daraang high ranking government official daw kapag papasok at palabas siya ng Kapamilya Network compound na ilang kotse ang kasunod na bumaback-up sa kanya sakay nga ang mga pulis na kasama.
Biruan nga bago pa man ang eleksiyon — “Ayan, ha! Hindi pa nananalo ang manok niya (Willie), ganyan na siya makaasta.”
Anyway, tungkol sa awayan nila ni Joebert Sucaldito, as of this writing ay tila nga humupa na ang galit nitong si Willie. Outburst of emotion daw kasi kaya nakaasta siya ng gano’n.
Hindi pa rin sumisipot si Willie sa Wowowee. Ang kanyang paliwanag – gusto muna raw niyang magpahinga.
For five years and a half daw, Monday to Saturday siyang naghu-host ng Wowowee. Masyado na raw siguro siyang burned out.
Aware umano si Willie sa mga batikos na ipinupukol sa kanya lalo na sa internet. Pero aniya, may mga nagtatanggol din daw naman sa kanya. At tanggap niyang hindi naman daw lahat ay gusto siya.
Nakamarka pa rin ang araw na buong ningning siyang nagbanta sa ABS-CBN na magri-resign siya kapag hindi tinanggal si Jobert. Ang dating – wala siyang kinatatakutan.
Katuwiran naman ni Willie, bakit naman daw siya matatakot? Wala naman daw siyang ginagawang masama. Puro kabutihan lang daw ang nasa isip niyang gawin, tumulong sa kapwa, at magbigay ng pag-asa.
Maaaring malakas daw ang naging dating ng inasta niyang ‘yon. Pero gano’n daw talaga kapag totoong tao ka. At gano’n daw talaga siya.
Honestly, hindi raw alam sa ngayon ni Willie kung siya ay babalik pa sa Wowowee o hindi na. At kung anuman daw ang magiging desisyon ng management ng ABS-CBN tungkol sa isyu at situwasyon ngayon, tatanggapin daw niya.
Kung mawawala daw siya sa isang programa, hindi siya magsisisi. Paninindigan daw niya. Hindi raw siya para magsisi. Sinabi raw niya, eh. Na kung siya’y sakit na ng ulo sa isang istasyon, siya na mismo ang aalis.
And with that… shall we say – go boy!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan