BUKAS SA PUBLIKO ang balitang may colon cancer ang ina ng young star na si Jake Vargas. Bali-balita rin noon na may taning na ang buhay nito. Pero hindi ito inalintana ng Kapuso star, bagkus lalo siyang nagsikap sa kanyang trabaho upang matustusan ang gastusin para sa chemotherapy ng ina.
Ngunit, isang malungkot na balita ang nakarating kay Jake kamakalawa habang nasa mall show sila sa SM Rosales, sa Pangasinan, pumanaw na ang kanyang inang si Magdalena Vargas, edad 54, matapos itong makipaglaban sa colon cancer sa loob ng limang taon.
Mga alas-tres kahapon ng madaling-araw, November 27, dumating kami sa tahanan nina Jake sa Olongapo City. Nadatnan namin doon ang ilang Tween stars na kasama ni Jake sa GMA-7 at Party Pilipinas.
Ani Jake, “Si Kuya Germs ang nagbalita sa akin. Hindi pa rin siya nag-sink in sa akin.” Umiyak na lang daw siya at pumunta sa kanyang sasakyan at itinodo na ang pag-iyak.
Alas-singko y medya ng hapon pumanaw ang kanyang ina at mga alas-9 na nang gabi dumating si Jake sa kanilang bahay. Sabi niya, “Pinuntahan ko kaagad si mama sa kuwarto. Hinawakan ko ang kanyang kamay at medyo malambot pa ito. Umiyak ako sa tabi niya.”
Pagkatapos nito, saka pa lang dinala sa punerarya ang mga labi ni Mommy Magdalena. Mga alas-dos y medya ng madaling-araw nang ibinalik ito sa kanilang tahanan. Emotional pa rin si Jake pati na ang mga kapatid nito at ama.
Ayon pa sa kanyang amang si Miguel, “Siya lang ang nag-iisang babae sa buhay ko. Nagpakasal kami ulit sa simbahan noong 37th year anniversary namin dahil sabi niya, gusto niyang makapagsuot ng trahe de boda.”
Kuwento pa ni Tatay Miguel, una raw kasi si-lang ikinasal noon ni Nanay Magdalena sa isang mass wedding at sa Huwes pa ito.
Pangako naman ni Jake, “Ipagpapatuloy ko, ‘Ma, ang nasimulan kong pagtaguyod sa ating pamilya.”
Pampito si Jake sa siyam na magkakapatid na sina Joseph, Laarni, Odessa, Michelle, Mary Ann, Madonna, Dennis at Janessa Marie.
Sa ngayon, wala pang nakatakdang araw para sa libing ng ina ni Jake. Pero ayon pa sa kanyang papa, baka raw aabot ng isang linggo ang lamay dahil may mga inaantay pa silang kamag-anak mula sa malalayong lugar.
SABAY NA DUMATING sa isang event sina Paulo Avelino at LJ Reyes noong Huwebes, November 24, sa Makati, pero iniwasan ng dalawang pag-usapan ang kung anuman ang meron sa kanila. Makikita naman sa kanila na very much together pa sila, pero ang usapin ng pagiging magulang sa kanilang anak ay iniiwasan nilang sagutin. At nang makausap namin si Paulo, hiling pa rin niya sa amin na huwag nang itanong ang tungkol dito na malugod naman naming pinagbigyan.
Tanong na lang namin sa kanya kung ano ang masasabi niyang nag-boom nang husto ang kanyang career simula nang lumipat siya sa Kapamilya Network. “Ah nag-improve naman, nadagdagan ‘yung mga nakakakilala sa akin ngayon,” pakumbabang sagot ni Paulo.
Marami rin ang nakapansing nagkaroon ng ‘bigat’ kahit papano ang pangalang Paulo Avelino dahil sa magagandang projects na naibigay sa kanya ng Dos. Nagkaroon ng interes ang marami kung bakit nga ba siya pinapirma ng Channel 2 sa kanilang istasyon, ano nga ba ang nakita sa kanya ng network at ganu’n na lamang ang tiwalang ipinagkaloob nito sa kanya? Gaya ng mga ‘challenging roles’ na naibigay sa kanya sa 100 Days To Heaven at Maalaala Mo Kaya. Sagot ni Piolo, “’Di ko po rin napapansin eh, medyo naka-focus kasi talaga ako sa trabaho sa ngayon, eh.”
Dagdag pa niya, “Basta ang sa akin po, siguro know your priorities, know your job. And work hard to improve yourself in what you are doing. Be consistent.”
Sa ngayon, abalang abala si Paulo sa bagong soap ng ABS-CBN na Ikaw ay ang Pag-ibig at sa pelikula ng Regal Entertainment na Yesterday, Today and Tomorrow, na entry naman sa Metro Manila Film Festivals 2011.
Sure na ‘to
By Arniel Serato