HANGGANG SA FINAL episode ng SOP last Sunday, dapang-dapa pa rin ang ratings nito na 11.7 laban sa 19.2 ng katapat na programang ASAP. As of this writing, nakakasa na ang ipapalit rito na Party Pilipinas which will be airing two weeks from now.
Bagong programa ito kung tutuusin pero ang hosts, performers at production staff, halos pareho pa rin ng dating bumubuo ng SOP. Parang title lang ng show ang pinalitan. Unless talagang ibang concept ng musical variety show ang bubulaga sa viewers kada Linggo na kakayanin nang kabugin finally ang ASAP.
Sana kasi, magbigay ng suporta ang biggest stars ng GMA sa nasabing bagong musical variety show. Isa sa biggest strength kasi ng ASAP, talagang lahat ng pinakasikat na Kapamilya stars and singers, pati hottest young stars ng ABS-CBN, mapapanood mo doing big production numbers every week.
Wala pang detalye hinggil sa Party Pilipinas. Pero we’ve heard na talagang sinisikap ng lahat sa likod nito na maging bongga at panggulat sa viewers ang nalalapit na pag-ere nito.
Sana nga. Huwag nawang matulad itong Party Pilipinas sa Diz Iz It na mula nang magsimula ng airing ay hindi makahabol sa malaking lamang sa ratings ng tinapatang Showtime. Imagine, sa pinakahuling survey, 6.5 lang ang ratings nito against 24.9 ng Showtime.
Todo na ang effort pero talagang Showtime pa rin ang tinututukan ng nakararami. At dahil dito, usap-usapang baka hindi rin nga tumagal sa ere ang Diz Iz It.
Grabe nga raw ang pressure sa staff ng naturang talent show. Dizzy Iz It, dahil kandahilo na sa pag-iisip kung paano patataasin ang rating nito. Or else – Tsugi Is It na ang programa!
Hala!
SA PAGDIDIIN NI Mark Anthony Fernandez na hindi siya sinungaling gaya ng paratang sa kanya ni Claudine Barretto, balitang lalong tumindi nga raw galit at sama ng loob sa kanya ng aktres. Buong ningning kasing sinasabi ng aktor na hindi niya alam kung saan daw siya nagsinungaling.
“Kung nagsinungaling man ako or hindi, hindi ko ma-pinpoint. Hindi po araw-araw. Hindi ako gano’n araw-araw,” ang nakalilito pang dagdag na pahayag ni Mark.
Para bang ang dating sa sinabing iyon – hindi siya sinungaling araw-araw.
Naloloka rin nga raw sa inis si Claudine kung bakit ipinipilit din ni Mark na nag-sorry na siya dahil sa tatlong beses na hindi nito pagsipot sa dapat sana’y story conference ng pelikulang gagawin nila sa Viva Films, gayong hindi naman daw sila nagkakausap. Maaaring in-assume lang daw ng aktor na okey sila pero ang totoo ay hindi naman.
Patuloy pa ring pinaninindigan ni Mark na hindi siya ang dahilan ng pagkaka-shelf ng pelikulang pagsasamahan nila ni Claudine. Desisyon daw ng manager niyang si Dondon Monteverde na huwag na itong tanggapin.
Conflict of schedule daw kasi. Dahil mas nauna na nilang in-accept ang seryeng Diva na balik-tambalan nila ni Regine Velasquez at nagsimula nang umere kamakailan.
Well, kawalan ba ni Claudiune kung hindi sila maging magkapareha ni Mark? Baka it’s the other way around?
Anyway, marami ang nakapupuna sa pagpayat ngayon ni Mark. Dahilan para paghinalaan siyang baka bumalik na naman sa pagdu-droga. Na mariin din namang itinatanggi ng aktor.
Hindi raw talaga. Kahit ipa-check up pa raw ang ngipin niya.
Eh, ‘di ba kapag drug test, dugo o kaya ay urine ang ang tsini-check? Bakit ngipin?
Just asking!
SA SABADO NA, March 6, ang Battle of The Champions ng Talentadong Pinoy which will be held sa Cuneta Astrodome. Pitong hall of famer at isang wild card entry ang maglalaban-laban.
Puspusan ang rehearsal at paghahanda ng mga ito sa nalalapit na kumpetisyon ng kani-kanilang talento.
Ang Yoyo Tricker na si Joshua Davis, magkahalong kaba at excitement ang nararamdaman. Gano’n pa man, pinaghahandaan daw niya ito nang husto dahil gusto niyang manalo. Nagku-concentrate daw siya sa music at sayaw na plano niyang isabay habang nagpapakitang-gilas sa kanyang mga yoyo tricks.
Sa mga gustong sumporta kay Joshua through text votes, i-type lang ang TP6 at i-send sa 2256.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan