NAKAKALOKAH ANG mga friends naming may-kaya sa buhay. Aba, nangungulit at gustong pumasyal sa taping ng Walang Hanggan. Alam namin at intin-ding-intindi namin na hindi para dalawin kami, kundi para makita nang personal at makapagpa-picture-taking sa mga bida ng number one teleserye.
Grabe na talaga ang kamandag ng Walang Hanggan na nanunuot sa kamalayan ng ating mga kababayan, lalo na sa mga TFC subscribers na tanging panonood lang ng mga teleserye sa Dos ang ginagawang libangan pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho.
Sa October 21 ang Grand Pasasalamat sa Araneta Coliseum ng buong cast ng Walang Hanggan, kaya juice ko, ngayon pa lang, ang dami nang nangungulit kung mabibigyan ba namin sila ng tickets o kung ipinagbibili, magkano naman daw?
‘Etong mga ganitong senaryo ang nagpapatibay talaga ng isang katotohanang napakalakas talaga ng Walang Hanggan sa puso ng mga Kapamilya.
AND AT this point, Ladies and Gentlemen, (me gano’ng pagbati talaga?), gusto na-ming magpasalamat sa Itaas, sa pamunuan ng ABS-CBN, dahil kami ang naisip nilang kunin bilang assistant ni Donya Margaret Montenegro.
Na feeling naman namin ay nabigyan namin ng justice (wow, huh! Anong krimen naman kaya ang ginawa namin para sa justice-justice na ‘yan? Hahahaha!) ang papel na ipinagkatiwala nina Tita Cory Vidanes at Deo Endrinal.
At sa buong cast na nag-uumpisa nang malungkot, dahil almost one year din kaming “magkakaklase” sa taping, tapos, mag-e-end na pala.
Mabuti na lang at alam naming sa ibang pagkakataon ay magkikita-kita pa rin ang mga cast.
At alam n’yo ba? ‘Eto, ngayon lang namin ‘to aaminin sa inyo, ha? Dumating sa buhay namin ang Walang Hanggan nang magpaalam na kami sa isa’t isa bilang manager-talent ni Vice Ganda.
So timing talaga. ‘Pag me nawawala o nag-e-ending, merong dumarating o sinisimulang panibagong blessing.
‘Yun siguro ang natutunan namin sa buhay. Na dito sa ating mundo, walang permanente. Kundi ang interes, kamatayan at higit sa lahat, buwis.
SI DAWN Zulueta, alam n’yo, sabi sa amin, “Hay, nako, Ogs, ngayon ako nagsisimulang malungkot. Ang bilis ng panahon, ‘no? Parang kelan lang nu’ng nagsimula tayo sa ‘Walang Hanggan,’ tapos, ‘eto, magdi-the end na?
“Nalulungkot ako, dahil mami-miss ko kayong lahat.”
Sabi nga namin ng kalabtim naming si Arlene Muhlach, “Para tayong magkakaklase nu’ng high school, ‘pag naka-graduate na, nalulungkot na, nag-iiyakan na!”
Sobrang mahal na mahal namin ang cast ng Walang Hanggan, dahil kahit matataas na artista pa ang mga katrabaho namin ay walang yumabang at walang nag-primadonna.
Ang bidang si Coco Martin ay consistent sa kabaitan at humility. Na ‘pag nakikita kami ay lagi kaming hinahalikan sa labi… este, sa pisngi. Si Paulo Avelino ay mami-miss din namin, dahil lagi siyang nagtatanong sa amin, “Kuya Ogie, me baon kang kopi bun diyan?”
Sina Richard Gomez at Dawn na konting hirit lang namin ay kababaw ng kaligayahan at laugh to death sila. Sina Tita Helen Gamboa at Tita Susan Roces, juice ko po, gusto naming sambahin sa sobrang bait at supportive sa lahat ng cast.
Sina Direk Jerry Sineneng at Direk Trina Dayrit at Direk Jojo Saguin, ang tatlong direktor na never naming naringgang nagmura sa set at mga “cool” lang sila, thank you, thank you.
Sa iba pang artistang sina Julia Montes, Melissa Ricks, Joem Bascon, John Medina, Noni Buencamino, Shamaine Buencamino, mami-miss na-min ang mga kaibigan naming ito.
At sa lahat ng staff, crew at mga hunters (staff ng mga nagtatayo ng tents), salamat din sa inyong kabaitan.
No, hindi po kami matitigok, ha? Nagte-thank you lang kami, dahil nga mami-miss namin silang lahat. ‘Yun yon. Hahaha!
At sa lahat ng mga nanood at talagang naadik sa teleseryeng ito, ang aming “Walang Hanggan” na pasasalamat sa inyong lahat!
Mahal ko kayo.
Naks! Ang OA na ni Ogie Diaz, huh! Hahahaha!
Oh My G!
by Ogie Diaz