Sey ni Maxene Magalona, wala na raw ang Ampalaya Anonymous. Huwag na raw sanang palakihin kung anu-ano ang mga tini-tweet nila dahil sila-sila lang daw ang nagkakaintindihan at sana huwag na lang daw lagyan ng kung anu-anong interpretasyon o malisya.
Sumali na raw kasi sa grupo nila sina Chito Miranda at Paolo Paraiso, kaya wala na raw silang ilalagay na label o something. Basta masaya na raw sila sa grupo nila.
Inaasahang magkalinawan na rin sina Maxene at Pauleen Luna dahil dati naman silang magkaibigan at medyo nagulo lang sa mga kung anu-anong nasa Twitter account nila. Kaya sana nga, maayos na silang magsama sa bagong programang pagsasamahan nila.
Magkakasama sina Maxene at Pauleen sa bagong Sinenovela na Bakit Kay Tagal ng Sandali. Magti-taping sila ng ilang araw sa Kuala Lumpur, kaya magba-bonding sila roon at makapag-uusap nang maayos.
Naging vocal naman si Pauleen na ang ikinasama talaga ng loob niya ay ang mga ginawa laban sa kanya ni Cristine Reyes. Kaya pala nu’ng nag-guest si Cristine sa Eat Bulaga ay talagang hindi siya pinansin ni Pauleen.
Nilinaw naman ng young actress na hindi si Dennis Trillo ang dahilan nang ikinasama nito ng loob kay Cristine. Girl to girl na isyu raw ‘yun na kung anu-anong mga sinabi ni Cristine at ipinarating pa sa iba kaya ganu’n na lang ang sama ng loob ni Pauleen.
Natawa si Dennis nang nakarating ito sa kanya. Tingin naman daw niya wala siyang kinalaman diyan dahil sobrang tagal na raw ‘yun. Sana magkaayos na raw ang dalawa dahil maliit lang naman ang showbiz, dapat hindi na nag-aaway-away.
DALAWANG LINGGO LANG pala si Robin Padilla na magpi-pinch hit kay Willie Revillame sa Wowowee.
Sinabi naman ni Robin na nag-text siya kay Willie bago niya ito tinanggap.
Maayos naman daw silang nagti-text sa isa’t isa dahil hindi naman daw niya ito tatanggapin kung kontra si Willie.
Mukhang sign na nga yata itong magiging Kapamilya si Robin dahil bukod sa pelikulang ginagawa niya sa Star Cinema, may pinag-uusapan nang programang gagawin niya sa ABS-CBN. Ang dinig ko, parang wala na silang pag-uusap sa GMA-7 na may gagawin siyang programa, kaya baka nga sa ABS-CBN na ang tuloy niya. Pero wala pa rin namang kumpirmasyon mula kay Robin.
So far, pinagkakaabalahan ni Robin ang mga ginagawa niyang project para sa mga kapatid niyang Muslim. Meron na pala itong nai-donate na lupa sa Norzagaray, Bulacan para gawing sementeryo para sa kanilang mga Muslim.
Nu’ng Linggo ay pinuntahan namin ito, kung saan nagtanim ng puno roon sina Robin kasama ng ilan pa niyang mga kapatid na Muslim.
Sa tulong ng kanyang Liwanag ng Kapayapaan Foundation, maipatatayo na raw nila sa mahigit na isang ektaryang lupa ang gagawin nilang sementeryo. Malaking tulong daw ito sa mga kapatid niyang Muslim na nahihirapan dito kung saan nila ipalilibing ang mga mahal nila sa buhay na namamatay.
By Gorgy’s Park