NAALIW NAMAN AKO kina Sen. Bong Revilla at siyempre sa Congresswoman-elect ng Bacoor na si Lani Mercado, dahil ngayon pa lang ay may balak na sila sa kanilang silver wedding anniversary sa susunod na taon.
Ang plano nila, magkakaroon sila ng renewal of vows sa unang pinagkasalan nila sa Amerika.
Ang lugar na ‘yun ay sa isang chapel sa Glendale Forrest Lawn sa Glendale, California, kung saan doon na pala inilibing si Michael Jackson.
Kaya gustong tingnan ni Lani ang lugar na ‘yun kung nandu’n pa ang simbahang pinagkasalan nila dahil kahit mortuary na raw ‘yun ngayon, okay lang sa kanila na doon magpakasal.
“I will have to check if the church still exists. Gusto kong makita ng mga anak ko kung saan kami unang ikinasal,” sey ni Lani habang napapangiti lang si Sen. Bong.
“Talagang gusto niyang panindigan na pakasalan ko siya ng sampung beses. Ha-ha-ha!” Hirit naman ni Sen. Bong.
Kung matutuloy ‘yun, ang cute nu’n, ha?! Kasi kuwento pa ni Lani, nalaman niyang nandu’n pa raw ang bridal car na ginamit nila dahil na-preserve pa raw ng taong nirentahan nila ng kotseng ‘yun.
Bale sa May 28, 2011 ang silver wedding anniversary nina Bong at Lani at sana matuloy ‘yung binabalak nila.
Pero sabi naman ni Lani, uunahin muna nila ang kanilang tungkulin sa bayan, lalo na si Lani na pinaghahandaan na ngayon ang opisina niya sa Kongreso at malapit na silang magsimula.
MALAPIT NA ANG transition ng gobyerno kaya nu’ng nakatsikahan namin ang MTRCB Chairman Consoliza Laguardia, tinanong namin kung ano ang balak nito kung sakaling palitan na siya.
Magbabakasyon daw muna siya at marami pa naman daw siyang puwedeng pagkaabalahan. Pero biniro kaming baka puwede siyang mag-artista.
Kung papalitan na nga si Chairman Laguardia bilang MTRCB Chairman, marami naman siyang iiwang projects.
Nagkaroon sila ng MTRCB Awards for TV, at ngayon naman ay pinagkakaabalahan niya ang MTRCB Awards for Film.
Magkakaroon ng awards night sa June 15 na gaganapin sa Crossroad 77 sa Mother Ignacia Ave., Quezon City.
Konti lang daw ang mga category na bibigyan nila ng awards, pero siyempre nandiyan pa rin ang mga major awards gaya ng Best Actor, Best Actress, Best Supporting Actor, Best Supporting Actress at Best Director.
Pero tatlo ang Best Pictures nila. Meron daw Best Film for Drama, Comedy at Action-Fantasy.
Sana raw, ipagpatuloy ito ng kung sino mang susunod na uupong MTRCB Chairman.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis