WALA NANG KAILANGAN pang sabihing diretsong termino si Jinkee Pacquiao para lang maging malinaw sa publiko kung totoo bang may relasyong namamagitan ngayon kay Krista Ranillo at sa kanyang asawang Pambansang Kamao.
Nasa talampakan na lang ang IQ ng hindi makasasambot ng gusto niyang sabihin kamakailan tungkol kay Krista. Patagilid man ang kanyang mga pahayag ay nagsusumigaw naman ‘yun, kasing liwanag ng sikat ng araw sa tanghaling-tapat.
Sa pagsasabi pa lang ng misis ni Manny Pacquiao na bata pa si Krista at meron pang makikilalang lalaking hindi pamilyado ay bigay na bigay nang pinariringgan niya ang dalaga na huwag makialam at pumasok sa isang sitwasyong masikip.
Sinabi rin ni Jinkee na sana’y huwag maging masaya ang ibang tao sa pagkasira ng kanilang pamilya. Sana’y respetuhin ng iba ang pagiging maayos nila. Na ang tinutukoy ay ang mga taong umeeksena nang alanganin sa kanilang relasyon ni Pacman.
At may tanong pa si Jinkee: Magiging masaya raw kaya si Krista kung makiki-join sa isang tao na may family na? Madiin ang kanyang mga salita, tumatalab, walang pakiramdam na lang ang hindi tatablan sa mga naging komento ni Jinkee Pacquiao.
MAGANDA SA BIGLANG-TINGIN ang naisip ng pamilya Ranillo na kasuhan ang mga taong nagpasimula ng kuwento tungkol sa pagkakamabutihan nina Pacman at Krista. Sa palagay siguro nila’y magiging positibong paraan ‘yun para matigil ang mga komentong hindi kagandahan para kay Krista.
Pero sa biglang-tingin lang ‘yun. Sa matagalang pag-aanalisa ay hindi magiging sapat ang pagkakaso sa mga nagsusulat ng balita. Mas ididiin lang nila ang senaryo.
Kung tutuusin, tagatanggap lang naman ng kuwento ang mga manunulat, mga mensahero lang ng kaganapan. Pero ang ugat pa rin ng istorya ay ang mismong sirkulong iniikutan nina Pacman at Krista.
‘Yun ang kailangan nilang ugatin, ‘yun ang kailangan nilang tutukan, ang maging lihim lang ang lihim at hindi lumalabas. Ugatin dapat ng mga Ranillo kung paano ba ipinanganak ang kuwentong ito. Kung sino ang tunay na nagpasimula, kung sino ang parang proud na proud pang nagbubuyangyang ng kontrobersiyal na relasyon.
Kung ‘yun ang kanilang sesentruhan, hindi na nila kailangan pang magpagod sa pagsasampa ng kaso. Hindi na rin sila gagastos, dahil ang matutuklasan nila ay nandu’n lang pala mismo sa mundong iniikutan nila.
Pati ang premyadong aktres na si Gina Alajar ay pinagbabantaang idedemanda ng pamilya ni Krista Ranillo. Ang personal na Facebook account ng aktres ang kanilang pinagbubuntunan ng sisi at dahilan kung bakit pinagpistahan nang husto ang isyu tungkol kina Krista at Pacman.
Hindi matitigatig si Gina sa mga ganu’ng pagbabanta. Ngayon pa lang ay naninindigan na ang aktres-direktor na tatayuan niya ang anumang mga komentong nakasaad sa kanyang Facebook, wala siyang itatatwa at tatalikuran.
At kung itutuloy ng mga Ranillo ang plano nilang pagkakaso sa mga sinasabi nilang nagpasimula ng kuwento tungkol kina Krista at Manny, sila pa ang mas madidiin. Maraming kuwentong dapat ay namamahinga na ngayon ang muling mabubuksan.
At sa muling pagbubukas ng mga baul ng lihim, may senaryong mas lilinaw, may pangyayaring mas magpapatingkad sa isyung nag-uugnay ngayon kina Pacman at Krista. ‘Yun ang kaganapang mas makakukumbinsi sa publiko kung ano ang dapat nilang paniwalaan.
Sabi nga ng matatanda, huwag nating ibato ang sisi sa ibang tao, manalamin na lang tayo!
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin