ALMOST A year bago natapos ang pelikulang Sa Ngalan Ng Ama, Ina, At Mga Anak, ang action-packed family drama nina Robin Padilla, Daniel Padilla, Kylie Padilla, Bela Padilla at Mariel Rodriguez sa direksiyon ni Jon Villarin ng RCP Production at ng Star Cinema.
Nang makausap namin ang action superstar, hiningan namin siya ng comment tungkol sa naging speech ni Sen. Bong Revilla sa Senado. “Karapatn ni Pareng Bong (Sen. Revilla) ‘yun, ang tagal ko nang hinihintay ‘yun. Nauna pa nga akong ipinagtanggol sila.”
Nagbigay rin ng kanyang opinion si Robin tungkol sa issue ng tax exemption kay Manny Pacquiao ng Kongreso. “Ang sinabi kong advice kay Pacquiao, huwag nang tanggapin ‘yung sinasabi ng mga Congressman na magiging tax exempt siya. Para sa akin, trap ‘yun dahil alam naman ng mga Pilipino na nangangarap siyang maging Presidente baling- araw. Napakapangit naman sa kasaysayan ng buhay niya na siya ang naging tax exempted. Kung mayroong dapat na i-tax- exempt ay ‘yung maliliit ang suweldo. Para sa akin, number one, teacher,” say ni Binoe.
Binigyang-linaw rin ni Robin ‘yung issue na lilipat raw ito ng ibang network. Katunayan nga, may nilulutong bagong show sa ibang network ang action superstar. “Nandito na ako. Nu’ng huli kausap ko kay Ma’am Malou (Santos), sabi niya, sabihin ko lang daw ‘yung working hours ko. ‘Yun din naman ang hinihiling ko, ‘yung working hours dahil hindi na naman ako bata. Hindi na ako dapat pinagtatrabaho ng 24 hours. At saka, nag-usap din kami kung anong show ang gusto ko, naiintindihan naman nila ako. Sabi ko, gusto ko naman Tatay ang role ko. Ayaw ko na ng romcom (romance comedy), tapos na ako du’n. Sa akin, action drama pero kung mga bata ang bida, tatay-tatay na lang ako. Kasi maiksi ang oras ng trabaho. Hindi naman kasi tumataas ‘yung suweldo, kung tumataas ang suweldo, lumalakas ako,” nagbibirong pahayag ni Robin.
Naging maayos ang pag-uusap nina Robin at Malou Santos sa pagpo-produce ng sarili niyang show sa Kapamilya Network. “Marami na kaming pag-uusap ng Star Cinema tungkol du’n. Kasi ako, ‘yun ang aking hinihintay. ‘Yung bibigyan nila ako ng freedom, ganitong set-up.”
As of now, ayaw muna ni Robin pagtrabahuhin si Mariel. Katuwiran niya, “Seloso kasi ako. ‘Yung titignan ng iba, hindi ko kaya ‘yun. Gusto ko siya, maging host uli pero hindi pa ngayon. Gusto ko ‘yung “Magandang Umaga..” ‘yung ganu’n, tapos uwi na siya. ‘Yung makita lang ‘yung ibang side niya. Sa ngayon hindi pa ako handang magkaroon siya ng show. Kawawa naman ‘yung leading man, hindi magiging effective, ‘di ba?”
Tinanong namin ang naudlot nilang pagpapakasal sa Vatican, matutuloy pa kaya sa simbahan? Paliwanag niya, “Matagal na naming pangarap ‘yun. Si Mariel siguro ang makapagsasabi sa akin kung muling manumbalik ‘yung kanyang pagsimba. Kasi nagkaroon kami ng idea na pakasal kami. Una, sa kanyang pamilya, pangarap ng babae ‘yun, ‘di ba? At higit sa lahat, naniniwala siya du’n sa kanyang religion. Pero after kasi nu’ng nanggaling kami sa Vatican, na-shake ‘yung kanyang faith. Hindi ninyo naintindihan kung bakit hindi kami nakasal, nandu’n na kami. Handa na kami, nandu’n na ‘yung pari sa harap namin. Siguro kapag nanumbalik ‘yung kanyang pagsimba. Nakita ko uli na naniniwala siya uli du’n. Oo, bakit ang hindi? Bakit kayo magpapaksal kung hindi kayo naniniwala?”
Hindi kaya gusto ni Mariel na mag-convert sa ibang religion? “Hindi ko sasamantalahin, pangit ‘yun. In Islam, walang pilitan. Sa ngayon, naniniwala siyang may Diyos, okay na sa akin ‘yun. Mahal niya ang kapwa niya, tumutulong siya, okay na muna ‘yun.”
Tanggap nan i Robin ang tungkol sa relalationship nina Kylie at Aljur. Nasa tamang edad na raw ang dalaga niyang anak kaya binibigyang-laya na pumili ng lalaking mahal na mahal nito. “Matanda na ‘yung anak ko, kuha na niya ‘yun. Alam na niya ang gagawin sa sarili niya. Basta ako, ang paalala ko lang lagi, ang religion. Kalayaan na niya ‘yun kung anong religion ang gusto niya. Si Aljur welcome sa bahay, ilang beses nang pumupunta ‘yun. Okay kay Mariel, ang lakas kay attorney (Mariel), ang attorney niya si Mariel. Lagi niyang sinasabi, kung gusto mong makitang laging masaya ang anak mo, imbitahin natin si Aljur.”
Ngayon pa lang, pangarap ni Robin maging PMA ang anak niyang si Ali Padilla. “Pangarap ko ‘yun, palalakihin ko siyang militar. Pero siyempre, pagdating niya sa tamang edad , kung ano’ng gusto niya, susuportahan ko siya. ‘Yan ang papel ng magulang, I-train mo ang mga anak mo. Kapag nai-train mo na at gustong kumalas sa ‘yo at least nai-train mo na. Kasi, kapag matanda na, hindi mo na kailangan magpaalala. May sariling utak na ‘yan,” turan nito.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield