TULOY NA ang shooting ng bagong pelikula ng Superstar na si Nora Aunor na may working title na Thy Womb, mula sa direksiyon ng 2009 Cannes Best Director na si Brillante Mendoza.
Ngayong Sabado, April 14, ang alis ng Maynila ni Nora at ang buong production team ng Thy Womb patungong Tawi-Tawi, kung saan magaganap ang location shoot ng nasabing indie film, pero on a big scope, dahil no less than the Film Development Council ang co-producer ng sinasabing “historical collaboration” nina La Aunor at Mendoza.
Yes, sa super-layong Tawi-Tawi ang type ng award-winning director na si Mendoza na maging location for his Nora Aunor film, kaya may pahayag itong “In terms of look, the movie will be panoramic” sa kanyang previous interviews.
Eh, hindi ba’t halos nasa dulo na ito ng Mindanao at ng Pilipinas na rin? April 14 ang lipad ng grupo. At kinabukasan, April 15, ang start ng paggiling ng kamera.
As always, maging sa mga dati niyang ginagawa sa kanyang mga pelikula, mahigpit ang “bilin” ni Direk Dante na huwag magbigay ng full details tungkol sa pelikula, maging ang istorya nito.
“Maganda ang istorya pero talagang top secret muna ito,” say ng personal manager ni Nora na si Boy Palma, at ganoon din ang sinasabi ni Albert Sunga na close confidante of the Superstar sa separate naming chikahan with them.
Sabi pa, wala raw script na ibinigay si Direk Dante kay Nora upang pag-aralan, kundi outline lang, at doon na sa actual shooting na ito ibibigay, upang “fresh” daw ang atake at doon na sila mag-uusap on the set.
Kumpirmadong kasama sa cast sina Bembol Roco (na nakatrabaho ni Nora sa Tatlong Taong Walang Diyos at ‘Merika), ang isa sa paboritong indie actresses ni Mendoza na si Mercedes Cabral (Serbis, among others), at ang 2012 PMPC Star Awards Best Supporting Actress na si Lovi Poe.
For Ate Guy, malaking hamon daw ito para sa kanya, dahil first time niyang makakatrabao si Direk Dante na kinikilala ang pangalan sa iba’t ibang film festivals sa buong mundo, mula nang magwagi ito sa Cannes filmfest noong 2009 nga.
Say nga ng talent manager na si Ed Instrella na malapit na kaibigan ni Mendoza, ito lamang daw ang bukod tanging Filipino filmmaker na nakadalo na at ni-represent ang Pilipinas sa tatlong pinaka-prestihiyosong international film festivals sa buong mundo – ang Cannes, Venice, at Berlin!
As for Nora, isang puntos lang ang lamang ng isang Russian actress kay Guy upang magwagi bilang Best Actress sa Berlin International Filmfest, para sa classic Ishmael Bernal film ni Nora na Himala (1982), now on its 30th year anniversary.
SPEAKING OF anniversaries, ngayong 2012 ay ipinagdiriwang din pala ni Nora Aunor ang kanyang 45th year anniversary sa show business, at bonggacious ang mga plano upang i-celebrate ito.
Isang araw pagkatapos ng Pasko ng Pagkabuhay sa Aberdeen Court sa Quezon City, inilunsad officially ang NOW (Noranians Worldwide), isang “common umbrella” na pinagsasamahan ng loyalistang fans clubs ng Superstar all these years.
Nandiyan ang mga fans ni Ate Guy na mga lola at mapuputi na ang buhok, mga may asawa na, at meron pa rin namang mga professionals, at ang ibang members ay umaabot hanggang Amerika at ibang bansa, kahit via online lamang.
Sila ang Federation of Nora Aunor Followers, Solid Nora Aunor, GANAP (Grand Alliance for Nora Aunor Philippines), at ang ICON (International Circle of Online Noranians), na bawat isang grupo ay nagkaroon ng panlaban na production numbers, bukod pa ang raffle prizes, kapiling ang kanilang idolo.
Sa 45th anniversary ni Ate Guy on her career, isang bonggacious pictorial ang magaganap sa members ng Camera Club of the Philippines; ang Superstar Press Awards, kung saan pararangalan ang mga award-winning articles na nasulat about Nora; ang paglulunsad ng autobiography book ni Nora authored by Ricky Lee; ang pagsasa-entablado ng Bona mula sa PETA na gagampanan ni Eugene Domingo.
Pero ang pinakanakakatuwang announcement ni Nora ay ang pagbuo at pag-activate ng isang foundation para sa kanyang loyal followers, ang mag-donate ng P100,000 as seed money ng foundation para sa mga livelihood projects nito, at iba’t-ibang workshops na mismong si Mama Guy ang mamamahala.
Ang TV5 na siyang manager ngayon ni Nora ay intasan si Noel Ferrer upang mamahala sa kanyang career ngayon, sa pakiki-pagtulungan ng TV5 execs na sina Perci Intalan at Jo-Ann Banaga. Pero siyempre pa, hindi raw mawawala sa eksena si German Moreno (um-attend that day), na forever consultant and friend of the Superstar.
Mellow Thoughts
by Mell Navarro