NATAPOS DIN ang matagal na paghihintay sa inaabangan na pinakabagong produkto ng Apple, ang iPhone 6. Ginulat din tayo ng Apple dahil bigla-bigla nga nilang ini-launch ang iPhone 6 noong Setyembre 9! At niyanig nila ang mundo sa kanilang mga pasabog dahil hindi lang iPhone 6 ang sumalubong sa atin! Kanila ring inilunsad ang pinakabagong iPhone 6 Plus at iPhone Watch.
iPhone 6 na nga ang pinakamanipis na iPhone sa ngayon sa sukat na 6.9 mm kumpara naman sa 7.5 mm ng iPhone 5s. Kumabaga, mas kumportable na ito sa ating mga kamay lalo na’t numipis ito at pa-round edges pa ang bawat kanto ng iPhone 6. Kung dati rati nasa upper left ang power button ng mga naunang iPhones, ngayon naman sa iPhone 6 nasa kanan na ito. Mas madali na manipulahin kumpara naman sa ibang iPhones. Welcome change, ‘ika nga.
Kung tititigang mabuti ang iPhone 6, ang itsura nito ay binase at may impluwensya ng iPod touch. Isa pa sa bago sa iPhone 6, ito ay may 4.7 inch na screen, mas pinalaki na! May bonus pang Retina HD Screen. Ang screen pa ng iPhone 6 ay pinoprotektahan ng “ion strengthened glass”.
Nagbabalik din ang 8MP iSight camera pero kahit wala pa ring pinagbago dito, sinasabi naman ng Apple na pina-improve pa nila ang camera ng iPhone 6. Mayroon pa din itong 1.5µ pixels, pero ang features phase detection autofocus ay may f/2.2 aperture. Wala nga lang itong OIS dahil nakadepende ito sa digital stabilization. Ang iPhone 6 camera ay may kakayahan ding kumuha ng panorama shot hanggang 43 MP.
Pagdating naman sa video resolution, may 1080p pa rin ito pero ang dating 60fps, ngayon ay Full HD resolution na. Puwede ring kumuha ng slow motion video sa 120 fps hanggang 240 fps.
Mas pinatagal pa ang battery life ng iPhone 6. Mas matagal pa sa battery life ng iPhone 5s. Ngayon ay puwede ka nang makipag-telebabad sa iyong kaibigan gamit ang iPhone 6 nang 14 na oras. Bukod sa pinapayagan ng iPhone ang GSM calling, ngayon suportado na rin nila maging ang VoLTE o Voice Over LTE at WiFi calling. Updated din ang LTE support hanggang 150 Mbps.
Napabilis din ang Wifi Connectivity sa iPhone 6. Triple pa ang ibinilis nito kumpara sa mga naunang iPhones.
Mayroon na ring NFC ang iPhone 6 o isang wireless pay service.
Setyembre 12 ang unang araw ng pag-o-order ng iPhone 6 dahil inaasan ang unang pag-ship nito sa Setyembre 19. May kamahalan nga lang ang iPhone 6 dahil malaki nga naman ang pinagbago at ikinaganda ng pinakabagong produkto ng Apple. Ang 16 GB ay aabot sa US$199.00. Nakakagulat din na walang 32 GB version ang iPhone 6, pero hindi ka na rin talo sa 64 GB nito na nagkakahalaga ng US$299.00 at may 128 GB na nasa US$399.00.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo