NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming text hotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
- Pakitanong naman po sa LTO Bataan kung saan po ba napunta ang ibinayad namin para sa sticker ng sasakyan dahil wala naman po silang na-issue sa amin. Abala pa po sa amin dahil pabalik-balik kami sa opisina nila para mag-follow up, pero laging wala.
- Ipararating ko lang po sana sa inyo ang reklamo ko sa inyo tungkol sa Brgy. 179 Amparo, Caloocan City dahil kulang na kulang po kasi ang mga street light sa mga kalsada. Madalas pa naman pong may nangyayaring nakawan at barilan sa lugar na ito. Sana po ay maaksyunan.
- Reklamo ko lang po na rito sa harapan ng barangay hall sa Tejeros Convention, Rosario, Cavite ay madalas gawing tambayan o paradahan ng mga tricycle na namamasada. Waiting shed po iyon at daanan ng mga tao ang bangketa, pero dahil ginagawa nilang tambayan ay wala nang madaanan ang mga estudyante. Kapag lumabas na ng school ang mga bata ay sa kalsada na nagdaraan na delikado naman dahil baka masagasaan sila ng mga sasakyan.
- Irereklamo ko lang po ang mga alagang manok, pato, pabo, at aso ng isang barangay tanod dito sa Brgy. Langgam, San Pedro, Laguna dahil sobrang baho po. Inilagay niya po malayo sa bahay niya pero malapit sa bahay namin kaya kami ang napeperhuwisyo. Ipinagmamalaki niyang kay kapitan daw ang mga inaalagaan niya.
- Isa po akong concerned citizen dito po sa may Phase 12 Tala, Caloocan. Gusto ko lang pong maitama ang ginagawa ng mga pulis dito sa amin. Tama po ba na mag-check point sila kahit hindi sila nakauniporme at sa dilim sila nagtatago kapag maghaharang sila ng tao?
- Itatanong ko lang po sana kung kukuha ng barangay clearance o barangay certificate ay may bayad po ba? Dito po kasi sa amin sa Brgy. Catalunan, Pequeño, Davao City ay nanghihingi ng bayad na P20.00 pero walang ibinibigay na resibo.
- Concerned citizen lang po, iyong kalye ng Solis Street sa Gagalangin, Tondo malapit sa Abad Santos ay puro naka-double parking ang mga sasakyan. Pilahan pa ng tricycle kaya sobrang traffic lagi. Sana po ay maaksyunan.
- Hihingi lang po ako ng tulong sa inyo dahil may nangungupahan po sa bahay namin na isang sarhento sa Philippine Army dahil siyam na buwan na po silang hindi nagbabayad ng asawa niya ng upa.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo