KAMAKAILAN LANG, napabalita ang pag-collapse ng isa sa pinakatanyag at pinakamagandang footbridge sa Paris ang Pont des arts. Ang nasabing footbridge ay malaki ang partisipasyon sa mga taong nagmamahalan. Sa Pont des arts nakakabit ang mga milyun-milyong “love-locks” na saksi ng pagsusumpaan ng wagas na pagmamahalan ng dalawang tao. Kaya naman nang pumutok ang balita nang tuluyan nang ipinatanggal ito, lahat ng tao, nakasigaw ng: “Walang forever.”
Kilala ang Paris bilang City of Love and Romance. Wala na nga yatang mas magiging romantic pa sa Eiffel Tower. Paris na rin siguro ang dream destination ng karamihang couples.
Pumapangalawa sa Eiffel Tower ang Pont des arts sa dinarayo ng mga nagmamahalang turista. Kilala ang Pont des arts bilang simbolo ng pagmamahalan. Dito nauso ang “love-locks”, kung saan inuukit ng couple ang pangalan nila sa isang padlock, kanilang sususian ito at ikakabit sa Pont des arts tsaka itatapon ang susi sa River Seine. Ang aktong pagtapon ng susi sa nasabing ilog ay simbolo ng walang makapaghihiwalay sa kanila.
Ngunit noong June 1 lamang, nagkalat ang mga yellow-vested officials sa nasabing iconic Pont des arts habang dala-dala ang isang cutting equipment para mabaklas ang mga love-locks na nakakabit sa footbridge.
Naku po, kumpol ng mga tao ang naging saksi sa unti-unting pagbabaklas ng mga nasabing “love-locks”. Marami ang nadismaya, marami ang nalungkot. Ayon sa mga netizens, para bang tinanggalan nila ng malaking parte ng kasaysayan ang Paris. Dagdag pa ng iba, binuwag nila ang mga simbolo ng sinumpaang pagmahahalan ng mga tao. Binale-wala rin nila ang damdamin ng mga tao na nagkabit ng love-locks lalo na ang mga turista na dumayo pa mula ibang bansa upang makiisa rin sa binubuong kasaysayan ng pag-iibigan sa Pont des arts. Kay rami rin ang nalungkot, lalo na ang mga couples na sa Pont des arts na-engage.
Nakalulungkot nga naman. Nakasasakit ng puso ang balitang ito. Pero ayon naman sa mga opisyal, kaya nila ito napagdesisyunang baklasin ay dahil nag-collapse ang isang bahagi ng bridge dahil sa sobrang kabigatan na ng mga padlocks na nakakabit dito. Dagdag pa nila, hindi na rin ito ang unang pagkakataon nang bumagsak ang bahagi ng Pont des arts dahil noong nakaraang taon, nangyari na rin ito.
Mula naman sa mga opisyal ng Paris, kahit kanilang inutos ang pagtanggal ng love-locks sa Pont des arts, hindi naman ito nangangahulugan na itatapon na lang din nila ang mga nakakabit na love-locks dito, dahil titipunin lang muna nila ito habang nag-iisip ng bagong paglalagyan nito. Magandang balita naman pala mga bagets. Kaya tara, sabay tayong umasa na may forever, tiwala lang.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo