NOONG ISANG araw sa pagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng kaarawan ni Apolinario Mabini sa probinsya ng Batangas ay muling bumanat si Pangulong Aquino sa Korte Suprema hinggil pa rin sa isyu ng pagkakadeklara ng DAP bilang “unconstitutional”.
Tila yata hindi na paaawat ang pangulo sa pagbira nito sa Korte Suprema. Sa pagkakataong ito ay binalikan ni PNoy ang Korte Suprema sa pamamagitan ng dalawang kontra argumento sa mismong argumento ng mga mahistrado kung bakit itinuturing nilang “unconstitutional” ang DAP.
Ang sentro ng dalawang kontra argumento ni PNoy ay patungkol sa ginawa umano ng Hudikatura na mala-DAP din ang dating. Pinunto ni PNoy na bakit sasabihin ng mga mahisrtrado na mali ang DAP, samantalang may ginawa ang Korte Suprema na tangkang paglilipat ng pera mula sa pondo ng Hudikatura.
ISINIWALAT NI Pangulong Aquino kahapon sa kanyang talumpati ang umano’y parehong gawain ng Korte Suprema sa hinatulan nilang “unconstitutional” na DAP. Ang pagpopondo sa isang “Town Hall of Justice’ ng isang siyudad at pagpapagawa ng isang proyekto ng Hudikatura ang tinukoy ni PNoy.
Sa prosesong ito ay naglipat din umano ng pondo ang Hudikatura o umayon sa paglilipat ng pondo mula sa Hudikatura papuntang Ehekutibo, bagay na siya mismong ipinagbabawal ng Saligang Batas, kung saan hindi maaaring maglipat-lipat ng pondo ang tatlong pangunahing sangay ng pamahalaan; Ehekutibo, Lehislatura at Hudikatura.
Pinunto rin ni PNoy na tila nagmamalinis ang Korte Suprema sa isang bagay na kanila rin namang ginagawa. Dagdag pa ni PNoy na bakit nakikita nilang mali ang kanyang ginawa sa DAP, samantalang ganoon din mismo ang kanilang ginagawa. Sa huli ay muling binanatan ni PNoy ang Korte Suprema.
NAIS KONG balangkasin ang isyung ito sa dalawang pagtingin at posibilidad o “contingent analysis” sa wikang Ingles. Una ay ipapalagay kong nasa parehong konteksto ang ginawang paglipat ng pondo ni PNoy sa kanyang DAP sa ilalim ng Ehekutibong sangay ng pamahalaan, patungong Lehislaturang sangay, sa ginawa umanong paglilipat din ng pondo ng Hudikatura sa ibang sangay ng gobyerno.
Sa pangalawang pagtingin naman ay hindi ko ipapalagay na may iisang konteksto ang “paglilipat” na ito ng pondo at susuriin ko kung bakit ito naiiba sa DAP ni PNoy. At sa huli ay tatangkain kong bigyang-linaw ang tungkulin ng batas at ang kalikasan ng relasyon nito sa tao at lipunan.
UNANG PAGTINGIN: Kung sasabihin nating nasa magkatulad na konteksto ang “paglipat” ng pondo ng Ehekutibo sa “paglipat” ng pondo ng Hudikatura, marapat bang sabihing hindi makatarungan ang ginawa ng Korte Suprema na ideklarang “unconstitutional” ang DAP, samantalang ginagawa rin nila yaong paglilipat ng pondo?
Ang tugon ko rito ay hindi pa rin. Ang pagdeklara ng Korte Suprema na “unconstitutional” ang DAP ay nanatiling makatarungan at tama pa rin sa kabila ng pagpapalagay na gumawa rin ang Hudikatura ng pagdedesisyong gaya ng sa DAP o isang pagtatangkang paglilipat ng pondo gaya ng ginawa ng DAP.
Sa isang paglalarawang analohikal, hindi naman siguro “tama” na ang isang magulang ay hahayaang “magsigarilyo” ang kanyang anak, kahit na siya mismo ay naninigarilyo, dahil alam niyang masama ito sa katawan. Sinasabi ng isang magulang sa kanyang anak na masama ang manigarilyo hindi dahil sa ito ay personal niyang paniniwala o pagpili.
Sinasabi ng magulang sa anak na “mali” at “masama” ito dahil ito ang sinasabi ng “batas” ng kalusugan at medisina. Hindi rin “tama” kung mangangatuwiran ang anak na maaari niyang gawin ang paninigarilyo dahil ang taong nagsasabing masama ang paninigarilyo ay naninigarilyo rin.
Sa pagpapalagay na ito na nasa parehong konteksto ang “gawang paglilipat” ng pondo ng Ehekutibo at Hudikatura. Ang ipinupunto ko ay ang Korte Suprema ay hindi nagdedesisyon ayon sa anumang konteksto ng pagkakataon, bagkus ay bulag ito na sumusunod lamang sa itinatakda ng batas.
Ang sinasabi ng batas ay simple lamang, kung saan hindi nito pinapayagan ang ano mang uri ng paglilipat ng pondo mula sa isang pangunahing sangay ng gobyerno patungong isa pang sangay nito. Ito ay sa kadahilanang dito maaaring magsimula ang korapsyon o mawalang-saysay ang pagiging hiwalay at independensya ng bawat sangay sa isa’t isa.
Sa madaling salita ay kahit ano pa ang ginawa o nagawa ng Hudikatura ay nananatili itong matuwid na sumusunod, nag-aanalisa at binibigyang-kahulugan ang batas ayon sa ipinag-uutos ng ating Saligang Batas. Sa puntong ito, mukhang sablay ang banat ng Pangulo.
PANGALAWANG PAGTINGIN: Kung hindi naman natin ipapalagay na pareho ang konteksto ng “paglilipat” ng pondong ito ng Hudikatura ay lalong sablay na sablay ang banat ni PNoy sa Korte Suprema. Ako’y naniniwala na hindi pareho ang konteksto ng paglilipat ng pondo na ito ng Hudikatura, malayo at ‘di gaya ng DAP.
Maliwanag na ang pinondohan ng Hudikatura ay may pagpaplanong nangyari at ang proyekto ay direktang may kinalaman sa gawain ng Hudikatura. Pangalawa ay hindi naman naisagawa o natuloy ang paglilipat ng pondong ito dahil nakita na mismo ng Korte Suprema ang ‘di kawastuhan sa paraang ito ng paglilipat ng pondo.
Sa madaling salita ay maliwanag na magkaibang-magkaiba ang sitwasyon at konteksto na pilit pinagkukumpara ni PNoy sa ginawa ng Hudikatura na kagaya umano ng DAP. Para bang ang Pangulo ay isang batang matigas ang ulo na ayaw makinig sa magulang kung ano ang tama o mali. Tila ang pangulo ay isang anak na pabalang na nangangaturiwan ng baluktot at hindi bukas ang isip sa tama. Sa puntong ito ay sablay na naman ang banat niya.
ANG BATAS ay isang instrumento na gawa ng tao mula sa kanyang karunungan at tamang pangangatuwiran na may layong gabayan ang tao mismo sa kanyang mga pagpili, pagdedesisyon at paggawa lalo na sa panahong siya ay may kahinaan at nalulugmok sa kasamaan.
Ang batas ay ginawa para ang kamalian natin ay itama kaya dapat natin itong sundin ayon sa pagkakaunawa ng mga eksperto rito at ito ang sangay ng Hudikatura.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo