Pakikalampag naman po ang mga kinauukulan dito sa amin sa Sun Valley Drive sa may Pasay City, malapit po ito sa NAIA Terminal 1. Ang mga tao po kasi ay sa gitna na ng kalsada nagdaraan dahil sa mga kaliwa’t kanang naka-park na mga sasakyan at mga nagsulputang mga tindahan sa bangketa at kalsada. Sana po ay mabigyang-pansin ito. Salamat po.
Tulungan n’yo naman po kaming mapaalis ang mga nakapeperhuwisyong mga truck na rito sa kalsada namin nakaparada. Sa araw, nandito lahat ang truck at sa gabi sila lumalabas. Wala naman pong ginagawang aksyon ang aming barangay. Sana po ay matulungan ninyo kami. Salamat po.
Concerned citizen po ako rito sa Dasmariñas, gusto ko lang pong ireklamo ang paniningil ng P50.00 sa Dasmariñas National High School para pambayad umano sa Zumba instructor. Sa halos 5,000 bilang ng estudyante, napakalaki naman ng sinisingil nila.
Makatarungan po ba ang bayarin na P500.00 ng mga estudyante sa isang public school sa Agusan del Norte? Na kapag hindi nakabayad ang mga bata ay hindi pipirmahan ang clearance at hindi makae-exam ang mga bata. Sana po ay matulungan ninyo kami.
Dito po sa Aritao National High School sa Aritao, Nueva Viscaya dahil required magbayad ng P400.00 para sa PTA at P430.00 para sa iba’t ibang bayarin katulad ng anti-TB, Red Cross, GSB/BSP, developmental fee at kung anu-ano pa. Hindi po ba bawal mangolekta ng bayaring ganito ayon sa DepEd? Bakit dito ay obligadong magbayad?
Magpapatulong po kami tungkol sa bayarin sa Tagoloan National High School sa Misamis Oriental tulad ng sa PTA na P450.00 per year at P100.00 kada exam. Kapag hindi nagbayad ay hindi bibigyan ng exam ang mga bata.
Gusto ko lang po mapatigil na ang panghihingi ng pera sa school namin. Humihingi sila ng pambili ng TV, kurtina, at kung anu-ano pang mga kontribusyon sa gastusin tulad ng panggasolina sa pang-grass cutter. Naniningil rin sila ng P100.00 para sa bingo card. Dito po ito sa Oriental Mindoro.
Irereklamo po namin ang isang public school na naniningil ng P345.00 para sa PTA. Ang hindi makakabayad ay hindi makapag-e-exam ang estudyante. Dito po ito sa Ichon National High School sa Southern Leyte.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00 nn.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536.
Shooting Range
Raffy Tulfo