Sahod na Mababa pa sa Minimun Wage, Wala pang Bayad ang OT

Dear Atty. Acosta,

ANG SAHOD na tinatanggap ko sa kumpanyang pinapasukan ko ay mas mababa sa minimum wage. Hindi rin ako nakakatanggap ng overtime pay. Ano po ba ang karapatatan ko bilang empleyado?

Jo

 

Dear Jo,

ANG KARAPATAN mo bilang isang empleyado, kung ikaw ay nagtatrabaho sa isang pribadong kumpanya, ay sakop ng Labor Code of the Philippines.

Ayon sa ating Labor Code, ang isang empleyado ay kinakailangang tumanggap ng sahod na hindi bababa sa minimum wage na itinakda ng Department of Labor and Employment (DOLE). Sa kadahilanang hindi mo binanggit ang lugar kung saan ka nagtatrabaho, makabubuti kung magsadya ka sa DOLE na matatagpuan sa inyong lugar upang tanungin ang karampatang minimum wage na dapat mong matanggap. Ngunit kung ikaw ay nagtatrabaho sa isang non-agricultural establishment sa Metro Manila, kinakailangan na hindi bababa sa P382 ang iyong sahod kada araw (Wage Order No. NCR-14, 17 June 2008).

Bukod dito, makatatanggap din ang empleyado ng pribadong kumpanya ng overtime pay, nightshift differential, holiday pay at premium for holiday and rest day. Magkakaroon din siya ng pribilehiyo para sa service incentive leave.

Ayon sa Artikulo 83 ng Labor Code, hindi maaaring magtrabaho ang isang empleyado ng higit sa walong oras. Kung siya ay magtatrabaho ng higit sa walong oras na itinakda ng batas, kinakailangan na bigyan siya ng kaukulang overtime pay. Ang overtime pay ng isang empleyado ay 25% ng kanyang basic salary. Kapag siya ay nag-overtime sa kanyang restday o sa holiday, ang overtime pay niya ay 30% ng kanyang basic salary (Artikulo 87, Labor Code). Ibig sabihin ay makatatanggap ang nasabing empleyado ng karagdagang 25% o 30% sa kanyang sahod sa kada oras ng overtime. Samantala, matatanggap niya ang kanyang kabuuang sahod sa isang regular holiday kahit hindi siya nagtrabaho sa nasabing araw. Kung magtatrabaho naman siya ay makakatanggap siya ng double pay o 200% ng kanyang sahod (Artikulo 94, Labor Code).

Kung mas mababa sa minimum wage ang ibinibigay ng employer o hindi makatatanggap ng karagdagang overtime pay ang isang empleyado, maaari niyang ireklamo ang kanyang employer sa Department of Labor and Employment (DOLE) na may hurisdiksyon sa lugar kung saan siya nagtatrabaho (Section 1 Rule IV, The 2005 Revised Rules of Procedure of The National Labor Relations Commission).

Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang legal na opinyon namin ay maaaring mabago kung madadagdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.

 

Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleDenarius, Moolah at Salapi
Next articleKagaw na Kagawad?!

No posts to display