Congrats sa mga OFW sa Alaska!
NANDITO PO AKO sa Juneau, Alaska at nagtatrabaho bilang engineer. Kamakailan ay isang lugar dito sa kapitolyo ang pinangalanang Manila Square at nagtayo pa sila ng bust o monumento ni Rizal. Ito raw ay bilang pagkilala sa naging kontribusyon ng mga Pinoy sa pag-unlad ng ekonomiya ng Alaska. Bakit ‘di magawa ito sa ibang bansa? ‘Di ba’t mahalaga rin ang mga OFW sa kabuhayan ng ibang nasyon?—Frederick mula sa Alaska
SANA NGA AY may mga iba pang bansa na gagaya sa ginawa ng Alaska. Ito ay isang positibong pagkilala sa kontribusyon ng mga OFW hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Palagi kasing nakatuon ang ating pansin sa mga remittance ng OFW papasok sa Pilipinas. Na para bang iyon lang ang ambag ng mga migranteng Pinoy. Isang mukha lang ito. Marami ang ‘di nakakakita na may papel na ginagampanan ang talino at pagod ng mga OFW sa pagsusulong ng ekonomiya ng ibang bansa. At hanggang sa ngayon, hindi pa nasusukat ang halaga nito.
Isipin n’yo lang kung mawala ang mga doktor at nurse na Pinoy sa Amerika at Canada. I-imagine n’yo lang kung mawala ang mga household workers sa Hong Kong, Middle East, Asia at Europa. Tiyak na matataranta ang mga bansang ito at malamang bumagal ang kanilang kaunlaran. Iyan ang natutunan natin sa karanasan ng mga Pinoy sa Alaska.
May isa pa tayong napapansin. Ang karamihan sa mga OFW sa Alaska ay mga professional at skilled workers. Dahil dito, mataas ang pagtingin sa kanila ng mga tagaroon. Panahon na marahil na pataasin natin ang antas ng kasanayan at kaalaman ng ating mga kababayan. Panahon na para dahan-dahan na nating i-phase out ang pagpapadala ng mga household workers at iba pang unskilled workers sa ibang bansa. Ito ang sektor na madalas maabuso at mamaltrato. Sa madaling salita, ang skill ay proteksiyon din sa ating mga OFW.
At siyempre pa, mas mabuti kung dito na lang sa Pilipinas magamit ng mga Pinoy ang kanilang kasanayan at sipag para naman tuwiran silang makaambag sa ating kabuhayan. Katulong ang pribadong sektor, ang pamahalaan ay dapat magbalangkas ng mga patakaran para paunlarin ang ating sariling kabuhayan nang sa gayo’y mawalan na ng dahilan ang ating mga kababayan para mangibang-bansa.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo