MAY-ARI PO AKO ng isang recruitment agency. Matagal-tagal na rin kaming nagpapadala ng mga OFW sa ibang bansa. At sa kauna-unahang pagkakataon, may nagsampa ng kaso laban sa amin dahil sa illegal dismissal. At katwiran ng complainant ay ‘di siya nabigyan ng notice at pagdinig. Nilabag daw namin ang Labor Code o batas natin sa paggawa. Sa pagkakaalam ko, ang batas natin sa paggawa ay applicable lamang dito sa mga manggagawa na nagtatrabaho sa loob ng Pilipinas. Samakatwid, ang ating Labor Code ay ‘di magagamit ng mga OFW na nagtatrabaho sa ibang bansa. Iba ang batas doon at iba ang batas dito. Tama po ba ang aking interpretasyon at ikakatwiran sa complainant? — Beverly ng Mandaluyong City
SAAN MAN NAROROON ang manggagawang Pilipino, umiiral ang batas natin partikular ang Labor Code, sa usapin ng termination o pagtatanggal sa trabaho kahit na ng OFW. Itinatakda ng ating Labor Code ang pagsunod sa due process — lalo na ang pagkakaroon ng notice at hearing — bago alisin ang isang manggagawa.
Una, dapat ay may legal na dahilan o “just or authorized cause” ang termination ng isang manggagawa. Pangalawa, dapat ay may dalawang notice na ipapadala sa manggagawa. Kailangang hingin ang panig ng worker tungkol sa mga ipinaparatang ng kumpanya.
Pangatlo, karapatan ng manggagawa na ipailalim siya sa isang pagdinig o hearing tungkol sa mga ibinibintang sa kanya. At pang-apat, ang kumpanya ay dapat magpadala sa empleyado ng huling notice na siya ay tinatanggal na. Ang pa-ngangailangan sa notice at hearing ay itinuturing na ginintuang alituntunin dito at sa labas ng bansa sa usapin ng termination of employment.
Kaya masasabi kong mali ang interpretasyon mo ng batas na may kinalaman sa OFW. Saan man naroon ang ating OFW, protektado siya ng ating batas. ‘Di ba’t dito pa nga sa Pilipinas pinipirmahan ang mga kontrata ng mga OFW bago sila umalis ng bansa?
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo