SI CHIEF Justice Maria Lourdes Sereno ay umayon sa opinion ni Justice Marivic Leonen hinggil sa taliwas nilang pagtingin sa naging hatol ng Korte Suprema sa usaping pagbigay kay Senator Juan Ponce-Enrile ng karapatan para maghain ng piyansa.
Maging si Justice Secretary Leila De Lima ay hindi makapaniwala sa naging pagpapasya ng Korte Suprema hinggil sa usaping ito. Hindi naman ito kataka-taka dahil pawang mga appointee ni PNoy ang mga ito. Simula pa lang naman ay mga kalaban lang ni PNoy ang kanyang pinasasagasaan ng kanyang tuwid na daan. Kung tutuusin ay marahil naging biktima nga lang ang beteranong mambabatas na si Enrile.
Maraming bumabatikos sa naging desisyon ng Korte Suprema. Ito marahil ay dahil sa naging posisyon nina Justice Leonen at Sereno. Ayon sa posisyon ni Justice Leonen, tila isang pagbibigay importansya at espesyal na pagtrato ang ginawa ng Korte Suprema para kay Senator Enrile. Hindi umano patas ang pagtingin at panukatang salik na ginamit para sa legal na usapin ng piyansa para sa senador. Magiging daan din umano ito para makompromiso ang iba pang mga kasong may taya sa parehong usapin ng pagpayag sa piyansa.
Halos ganito rin ang pananaw ni De Lima na magiging isang “precedent” case ito. Sa sistemang umiiral sa usaping hustisya, legalidad, at kapangyarihan ng Korte Suprema, ang anumang desisyon na mailatag ng Korte Suprema ay nagiging isang “jurisprudence” o law of the land.
Hindi umano malayong gagayahin ito ng iba pang akusado sa kaparehong kaso. Pero halata namang takot lang sina Sec. De Lima na makapagpiyansa sina Senator Bong Revilla at Jinggoy Estrada. Ngunit bakit nila katatakutan ang isang karapatang dapat ay noon pa ipinagkaloob sa kanila. Maliwanag na bumoto ang mga mahistrado ayon sa katuwiran at labas ng pulitika. Hindi pa naman napatutunayan ang probable cause ng kaso laban kay Enrile kaya’t karapatan niyang makapagpiyansa.
ANG MASALIMUOT na tanong ngayon ay paanong tila napaikot at napihit ang batas para paboran ang isang akusado. Isa lang ang sagot sa tanong na ito. Hindi napaikot ang batas kundi sakto lang ito sa tama at katarungan. Si Senador Enrile ay hindi naman kabataan at kung tutuusin ay dapat binibigyan ng pag-aruga. Respetable at kinikilala si Enrile bilang haligi ng ating lipunan, pamahalaan, at henyo ng Senado.
Hindi naman isang Griyegong diyos-diyosan ang pinag-uusapan natin kundi isang tunay na tao. Siya ay isang beteranong lingkod bayan. Siya nga marahil ang pinakamatandang pulitiko sa bansa at pinakamatagal sa puwesto bilang senador. Siya na rin siguro ang pinakamatagal sa pulitika sa mga kasalukuyang pulitiko mula sa iba’t ibang posisyon mula barangay captain, mayor, gobernador, kongresista, senador, at presidente.
Si Enrile ay kilala noon pa man bilang isang mahusay na abogado. Ang katulad niya ang iilang binansagang “abogado de kampanilya”. Ang usap-usapan ay ni minsan, hindi pa siya natalo sa kaso kaya naman kinuha siya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos upang maging bahagi ng kanyang gabinete sa una at ikalawang termino nito mula 1965 hanggang 1972.
Noong idineklara ang Martial Law ay kasalukuyang Secretary of National Defense si Enrile. Ang pagkaka-ambush sa kanya na ikinamatay ng kanyang mga bodyguard, ang isa sa mga dahilan na ginamit ni Marcos para maideklara ang martial law.
Pagkatapos mapalitan ang Saligang Batas noong 1973, kung saan ay mula presidential ay ginawang isang modified parliamentary ang pamahalaan, si Enrile ay nagpatuloy sa kanyang pagiging bahagi ng pamahalaan. Siya ay naging Minister of National Defense mula 1973 hanggang 1986.
Maging sa pagbagsak ni Marcos ay naging bahagi rin si Enrile. Siya at si Fidel Ramos ang naging mitsa ng 1986 EDSA Revolution. Sa isang iglap ay tinalikuran ni Enrile si Marcos at nakipagsanib kay dating Pangulong Ramos na dating hepe ng Philippine Constabulary noon. Ang pagtalikod at paglaban nina Enrile at Ramos noon ang nagpalakas ng loob ng mga tao upang labanan si Marcos at magtagumpay sila hanggang mapatalsik ang diktador.
SA PAGPASOK ng isang bagong pamahalaan, sa pamumuno ni President Cory Aquino, muling nailuklok sa kapangyarihan sa pamahalaan si Enrile bilang bagong Secretary of Defense ng isang bagong demokratikong pamahalaan.
Ngunit hindi ito nagtagal dahil hindi naging maayos ang relasyon nina Cory at Enrile sa pamamahala ng bansa dahil nakita niyang kulang ang kagalingan ni Cory Aquino para mamuno sa ating bansa. Pinaghinalaang si Enrile ang nagplano ng unang kudeta kaya’t hinuli at ipinakulong siya. Ipinagtanggol niya ang sarili at kalauna’y pinawalang-sala rin.
Dito na nagsimula ang mahabang panunungkulan ni Enrile bilang isang mambabatas. Si Enrile ang tinitingala ngayon ng maraming senador at kongresista dahil sa kahusayan niya sa batas. Naging Senate president din siya at napanatili niya ang kanyang kapangyarihan sa Senado magpahanggang ngayon. Sa mga isyu na mahalaga sa Senado at kontrobersyal sa bansa, ang tugon ni Enrile ang isa sa mga kapana-panabik na inaantabayanan ng mga tao.
Ganito kaimpluwensyal at iginagalang si Senador Enrile. Kulang na nga lang daw ay maluklok ito bilang pangulo ng bansa. Hindi naman nakapagtataka kung umayon sa katuwirang inihayag ng kampo ni Enrile ang mga mahistrado ng Korte Suprema. Ang katotohanan at katuwiran ay hindi kailanman maaaring mapagtakpan ng pulitika. Sapat at sakto lang ang batas para kay Senador Enrile.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro, ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo