MAINIT NA binabatikos ngayon ni Vice President Jejomar Binay ang tila isang moro-moro na pagtrato ng Office of the Ombudsman sa pag-iimbestigang ginagawa ng tanggapan para sa isyu ng DAP o Disbursement Acceleration Program ng ehekutibo. Para kay Binay ay isang pagpapakitang-tao lamang ito. Ang tanging pakay lamang nito ‘di umano ay magkaroon ng closure sa isyu ng DAP para hindi na ito maging balakid sa pagtakbo sa pagkapangulo ni DILG Secretary Mar Roxas.
May punto rin naman si Binay kung titingnan mo ang kaganapan bilang isang kalaban sa puwesto ng pagka-pangulo sa 2016 election. Ang DAP ang tanging legal na argumento na maaaring bakbakan ng mga kalaban ni PNoy. Kung may merito ang kaso, ayon kay Binay at kung sakaling siya ang mahalal sa pagka-pangulo, hindi umano siya magdadalawang-isip na ituloy ang kaso at ipakulong si PNoy kung mapatutunayan na nagkasala.
Sa kabilang banda, kung mailalabas ng Ombudsman na malinis ang intensyon ng mga may akda nito, gaya ni Budget Secretary Butch Abad at Pangulong Aquino, mas makaiigi talaga ito sa imahen ni PNoy na siyang alas ni Roxas sa pagkapanalo nito sa eleksyon. Maliwanag naman ang mensahe ng pamahalaang Aquino na dapat ipagkatiwala ang nasimulang malinis na pagpapatakbo at sistema ng pamamahala sa gobyerno na walang korapsyon at ito ay ipinapasa kay Mar Roxas. Sabi nga ni PNoy… huwag nang magbakasakali!
ANG ISYU ng DAP ay kinakitaan ng butas ng Korte Suprema kaya naman ito pumutok sa publiko. Ang kinaiingat-ingatang pangalan ng Pangulo ay sumabit sa isang uri ng paglabag sa Konstitusyon. Ano nga ba ang merito ng kaso? Ang puno’t dulo ng usaping ito ay sumesentro sa ligal na konsepto ng “savings”. Ano ba ang legal na kahulugan ng “savings”? Mayroon nga bang legal na depinisyon ito o purong diskusyon lamang ito ng mga akademiko?
Ang pondo na ginamit sa DAP ay nagmula sa “savings” ng gobyerno mula sa budget nito na iginawad ng Kongreso, ayon sa depenisyon ng pamahalaan. Ito ang perang hindi nagamit ng isang ahensya ng gobyerno o perang hindi naubos mula sa pondo nito. Maaaring maraming dahilan sa likod ng hindi pagkaubos ng pondo ng isang ahensya ng pamahalaan, ngunit malinaw na tila may paglabag sa paglilipat ng pondo sa ibang bagay, bukod sa iginawad ng Kongreso.
Sa pangkaraniwan, kung mayroon mang matira sa pondo ng isang ahensya ng gobyerno ay dapat ibabalik lamang ito sa orihinal na pinagmulan ng budget at hihintaying matapos ang taon para muling maisama sa pangkalahatang budget ng pamahalaan para sa susunod na taon. Dapat sana ganito ang naging normal na daloy ng pera sa pamahalaan. Ibabalik ang hindi nagastos sa kaban ng bayan at hindi gagastahin sa ibang bagay. Ganito lang dapat kasimple ito.
ANG PALIWANAG ng gobyerno ay nasasayang ang pera at alokasyon kung hindi ito pakikinabangan ng mga tao. Umaandar ang araw na walang nagagawa ang pondong ito para sa mga taong nangangailangan at mga proyektong dapat tapusin o isagawa. Sayang ang pagkakataon na maitaas sana ang antas ng pamumuhay ng mga mahihirap gamit ang pondong ito o mas mapaunlad ang ekonomiya kaysa ibalik lamang ang sobrang pera sa kaban ng bayan.
Ito ang “saving” na tinutukoy ng pamahalaan. Dito nagmula ang pondo ng DAP. Ang “savings” na tinutukoy rito, ayon sa ilan ay hindi naman tunay na “savings” dahil hindi naman kumita ang pamahalaan at ito pa rin ang perang galing sa pondo na itinakda ng Kongreso kaya technically ay wala talagang “savings”dito. Ang problema ay ang hindi pagsang-ayon ng marami sa kahulugan ng “savings”para sa gobyernong Aquino.
Hindi rin naman ang kahulugan ng “savings”ang binigyang-diin ng Korte Suprema noong dinggin nila ang isyu ng legalidad nito. Bagkus ay sumentro sila sa itinatakda ng batas at ito nga ang naging basehan ng pagiging “unconstitutional” ng DAP. Walang kapangyarihan ang ehekutibo na baguhin ang itinakda ng Kongreso. Ngunit, sinabi rin naman ng Korte Suprema na kinikilala nito ang magandang intensyon ng pamahalaang Aquino sa pagsasagawa ng DAP. Gayun din ang walang bahid na pagtatago o korapsyon sa likod ng implementasyon ng DAP.
ANG GINAWA ng pamahalaang Aquino ay tila maaaring tingnan sa dalawang anggulo. Una ay sa anggulong may malinis na intensyon at pangalawa ay sa anggulo ng may masamang intensyon.
Ang pagpapabilis ng mga proyekto sa loob ng termino ni PNoy ay natural lamang siguro sa lahat ng Pangulo na nagnanais na maalala sila na nag-iwan ng kaunlara sa bansa. Tama ang intensyon at end, kahit kuwestyonable ang paraan o means.
Sa ganitong pagtingin ay malinis ang intensyon ng DAP. Ngunit maaaring sinadyang hindi rin gamitin ng mga ahensya ang kanilang pondo, base na rin siguro kung may kautusan galing sa Pangulo, upang tiyak at puwersahang mayroong matitirang pondo para mailipat sa ibang bagay, sa ilalim ng proseso ng DAP, upang magamit ng pamahalaan para manuhol o makapagnakaw. Ito ang masamang intensyon ng DAP.
Ang problema rito ay hindi naman lahat ng Pangulo ay matino at walang bahid ng korapsyon gaya ni PNoy. Kung magkakaroon tayo ng isang pangulong magnanakaw at gahaman ay tiyak na aabusuhin nito ang sistemang DAP. Kung tama man ang intensyon ng Ombudsan o mali, sa huli ay magpapatingkad pa rin ang imbestigasyon nito ng katotohanan, kung saan nga ba nahahanay ang DAP…may mabuti o masamang intensyon?
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo